Una sa Balita

Nangikil na pulis at 6 barangay tanod, ‘di kinunsinti ng Taguig

By
0 7

Muling binigyang-diin ng pamahalaan ng Taguig na hindi nito kinukunsinti ang anumang ilegal na gawain sa lungsod, maging ito man ay gawain ng ordinaryong mamamayan o pampublikong opisyal.

Nagbigay ng pahayag ang lokal na pamahalaan kasunod nang pagkakaaresto ng isang pulis, anim na barangay tanod at kanilang kasama, matapos diumanong mangikil ng pera mula sa isang truck hel­per at driver noong nakaraang Biyernes.

Kinakaharap ngayon nina Police officer Cesar Espejo, 34; mga miyembro ng Barangay Security Force na sina Reggie Adrales, 29; Bobby Tejero, 43; Rolly Barcelo, 41; Antonio Bontia, 51; Antonio Bag-Ao, 44; at Marcelino Perdonio; at kanilang kasama na si Stephanie Villanueva, 24, na ang kaso ay illegal possession of firearms, illegal possession of drugs, kidnapping at usurpation of authority matapos nilang arestuhin at dalhin sa multipurpose hall ng Barangay Western Bicutan para kikilan ng pera ang mga kaanak ng mga drug suspects kapalit ng kanilang paglaya.

Naaresto sina Espejo, Adrales, Tejero, Barcelo, Bontia, Bag-Ao at Villanueva sa entrapment operation na isinagawa ng Counter Intelligence Task Force ng Philippine National Police sa San Rafael, Bulacan. Patuloy naman pinaghahanap ng mga awtoridad si Perdonio.

“Hindi talaga kami nagto-tolerate dito ng masamang gawain, kahit sino ka pa. Walang sinuman ang nakatataas sa batas,” pahayag ni Barangay Western Bicutan Chairman Nicky Supan, na may hurisdikyon sa mga akusadong miyembro ng BSF.