Nanghataw na lolo, nakapkapan ng revolver, shabu

0 336

Kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act, R.A. 10591 at Comprehensive Firearms and Ammunition Act at Coercion ang isinampa ng pulisya laban sa isang 68- anyos na lolo matapos ireklamo ng pamamalo ng baril at nakumpiskahan pa ito ng droga kamakalawa ng hapon sa lungsod.

Kasalukuyan nakakulong sa detention cell ng Makati City Police ang suspect na si Danilo Gonzales, taga- Barangay Tejeros matapos maaresto nina Police Cpl. Jake John Salazar at Pat. John Mark Baui ng Makati Police Sub-Station 1 na hiningan ng tulong ng biktimang si Juanito Sabino, 40 matapos siyang hatawin ng baril ng kapitbahay.

Base sa isinumiteng report ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-5:00 ng hapon nang tumawag sa Sub-Station 1 si Sabino upang humingi ng tulong kaugnay sa ginawa umanong paghataw ng baril sa kanya ng suspect habang nasa kainitan ng kanilang argumento sa kanto ng Pasong Tirad at Ponte Sts. Barangay Tejeros.

Agad namang nagresponde sina Cpl. Salazar at Pat. Baui, sinalubong sila ni Sabino at kaagad na isinumbong ang sinapit.

Natiyempuhan naman ng mga pulis si Gonzales at nang kapkapan, nakuha sa kanya ang isang kalibre .38 revolver na may anim na bala at dalawang umano’y plastic sachet na naglalaman ng 1.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P9,000.

Kaagad namang isinailalim sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office si Gonzales kaugnay sa mga kasong isinampa sa kanya. (Armida Rico)

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...