Una sa Balita

Nanggigil ang San Miguel, temperatura lalong iinit!

By
0 971

NAPAHIYA nang husto sa opener ng championship, umuusok sa gigil ang San Miguel Beer at tinambakan ang Barangay Ginebra 134-109 sa Game 2 para itabla ang serye sa 1-1 ng PBA Commissioner’s Cup kamakalawa.

Paghihiganti ang nakitang laro ng Kings sa Beermen na kanilang niluray sa Game one 127-99.

Sa harap ng may 15,000 manonood sa Smart Araneta, dinomina ng Beermen ang Kings sa buong oras ng sagupaan. Malayong-malayo sa nilaro nila sa Game 1.

“I was sad the last time as we’re humilia­ted. But we have a series now and I’m thankful to my player­s for realizing the importance of this game,” sabi ni Austria sa post game interview.

Si Alex Cabagnot nga na hindi ini-start ni Austria sa Game 1, umusok nang husto ang mga kamay at nagpasabog ng 33 points matapos na umiskor lamang ng five points sa opener.

Ibang-iba rin ang naging performance nina June Mar Fajardo, Renaldo Balkman, Marcio Lassiter at Christian Standhardinger.

“They came out furious. Wala akong pwedeng isino. Lahat sila nag-step up. Lahat sila motivated, it’s in them,” nasabi na lamang ni Austria sa kanyang mga player.

Umiskor si Fajardo ng 25 points at may walong rebounds samantalang si Lassiter, Balkman at Standhardinger ay may tig-20 puntos na hindi nagawang tapatan ng Kings.

May mga pagkakataon sa sagupaan na naging mainit. Dalawa sa key player ng San Miguel ang pinatalsik sa labas ng court.

Naunang na-eject si Arwind Santos dahil sa flagrant foul kay Socttie Thompson mahigit limang minuto pa ang nalalabi na sinundan ni Chris Ross dahil sa magkasunod ng technical fouls.

“One blowout was followed by another blowout. Funny, we talked about it and talked about it, but we still failed to stop them,” tanging nasabi ni coach Tim Cone matapos ang sagupaan.

Sa Game 1 tinambakan ng Kings ang Beermen ng 31 points. Sa Game 2 ipinalasap din ng Beermen ang 31 points na kalama­ngan sa Kings.

Ngayon at back to square one ang serye, inaasahan na lalo pang tataas ang temperatura at baka nga umabot pa sa boiling point ang mga susunod pang  pagsasagupa ng sister teams.