Una sa Balita

Nangangamoy Game 7; Hindi fixed ang serye! – Marcial

By
0 608

PARA sa mga hindi nakakaalam, may plano ang PBA na kung sakaling aabot ng Game 7 ang finals ng Commissioner’s Cup sa pagitan ng San Miguel Beer at Ginebra ay gagawin ang laban sa Philippine Arena sa Bulacan.

Hindi malayong mangyari na magkaroon ng Game 7. Matapos ang dalawang­ sunod na panalo ng SMB sa Games 2 at 3, bumalikwas sa pagkakatulog ang Ginebra at binugbog ang kalaban sa Game 4.

Kaya race to three na lang ang laban na nagsimula kahapon.

Siyempre, kung sino ang mananalo ng Game 5 ay paboritong manalo ulit sa Game 6.

Pero sabi nga ng marami, parang may hindi magandang nangyayari sa naturang best-of-seven series, parang circus yata ang nangyayari.

Parang gusto talagang paabutin ng dalawang koponan sa Game 7 ang laban, na maganda para sa PBA dahil tiyak na pagdating ng Game 7 ay patok na patok ang attendance.

Ang huling Game 7 ng isang PBA finals ay ginawa sa Philippine Arena nuong Okt. 27, 2017 sa pagitan ng Ginebra at Meralco. Nagwagi ang Gineb­ra pero lalong wagi ang PBA dahil record crowd ang nagpunta sa naturang laro.

‘Yun nga lang, grabe ang traffic na nangyari. Mayroong mga fan na galing ng Cavite na inabot ng siyam-siyam bago nakarating sa venue. At second half na lang ang inabot nila.

Pero ayon kay Commissioner Willie Marcial, hindi fixed ang serye.

Unang-una, ayon kay Marcial, kaya tambakan ang nangyayari ay dahil natatapat na maganda ang shooting ng bawat koponan sa lahat ng laro.

Sa Game 1, 61 percent ang shooting ng Ginebra samantalang 58 percent at 51 percent naman ang itinira ng SMB sa panalo nito sa Games 2 at 3. Bumalik ang Ginebra sa Game 4 kung saan 64 percent naman ang naging shooting nito.

Para sa mga nakakaalam ng basketball, hindi malayong magkaroon ng tambakan kapag sobra sa 50 percent ang shooting ng isang koponan. Maski nga liga sa barangay ay tambakan ang nangyayari kapag pumuputok ang isa o dalawang manlalaro.

Sinabi rin ni Marcial na malabong fixed ang serye dahil nagkakasakitan ang mga manlalaro at nagkaroon pa ng tulakan sa pagitan ni Renaldo Balkman at Joe Devance.

Aniya, kung scrip­ted ang serye ay hindi man lang magbabanggaan ang mga manlalaro ng dalawang koponan at titira na lang ng titira sa labas. Walang guwardiyahan na mangyayari.

Noong Biyernes ay tinawag na nga ni Marcial si Balkman at Devance at sinabihan ang mga ito na “cool lang kayo.”

Dahil diyan, mga kaibigan, wala umanong bentahang nangyayari.

Pero bakit nanga­ngamoy Game 7?