Una sa Balita

Nang-hostage ng asawa, anak sa Laguna, todas

By
0 3,293

Napatay ng mga pulis ang isang plumber/electrician na tumangging sumuko matapos i-hostage ang kanyang mag-ina sa Cabuyao City, Laguna kamakalawa.

Kinilala ang nasawi na si Danilo ­Azucenas y Mata, 42-­anyos, ng Phase 2, San Isidro Heights, Brgy. San Isidro, sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng Cabuyao police, alas-11:30 ng tanghali nang makatanggap ng report ng Biñan police hinggil sa umano ay pagwawala ng suspek habang bitbit ang isang baril at itak.

Nang rumesponde ang mga pulis at SWAT team, pumasok ng bahay ang suspek at kinulong ang kanyang asawa na si Marjorie, 32-anyos at kanilang limang taong gulang na anak na babae.

Nagkaroon ng negosasyon na tumagal ng dalawang oras pero nang magsisigaw ang misis ay sumugod ang mga awtoridad na nauwi sa palitan ng putok at tinamaan ang suspek, na idineklarang dead on arrival ng doktor.