Una sa Balita

Nang dahil sa pag-ibig

0 419

Sa makalawa ay araw na naman ng mga puso. Ito ay masa­yang araw para sa mga ma­ngingibig, lalo na sa mga bagong magkasintahan.

Para sa mga bigo, lalo lang nitong pinatitindi ang kirot at hapdi sa puso. May galit sa araw na ito at marahil nagluluksa, walang pakialam, at hahayaan na lang lumipas.
Sa madaling salita, lungkot o kaya’y ligaya ang hatid ng Araw ng mga Puso.

Ngunit para sa mga taga-Tacloban, mga pamil­yang biktima ng Yolanda, ang araw na ito ay araw ng ligaya. Isang espesyal na araw dahil sa magandang regalo at kaloob na panghabangbuhay.

Ang Pope Francis Village, na itinayo ng iba’t ibang non-government organizations at pina­ngunahan ng Development and Peace, isang church-based na humanitarian agency mula sa Canada, ay pormal na binuksan. Napamahagi na ang mga certificate of occupancy sa mga bene­ficiaries.

Sa isang palatuntunan na naganap noong nakaraang Linggo, ika-10 ng Pebrero, kung saan ang inyong lingkod ay naimbitahan upang magbigay ng kasiyahan sa mga tao, bakas sa mga mukha ng mga beneficiaries ang ligaya. Hindi maikakaila ang kanilang kaligayahang nadarama. 

Ayon sa isang bene­ficiary, “malaki po ang aking pasasalamat sa ipinagkaloob sa amin. Ngayon mabubuo na muli ang aming tahanan.” Bagama’t ang marami sa kanila ay naulila na sa mga asawa, anak, o kaya’y kapatid, ang pagkakataon na ito ay panibagong simula sa kanilang buhay at maaa­ring maipamana na rin sa kanilang mga anak.

Ang Urban Poor Associates o UPA, isang organisasyon ng mga maralitang tagalunsod ay namamahala sa pag-organisa sa mga home­owner ng village na ito. Mahalagang maorganisa ang mga homeowner nang sa gayon ay mapa­natili nila ang kaayusan ng pamayanan. 

Ayon kay Jess Agustin ng Development and Peace, may mga tinatapos pang ilang units na ipamamahagi. At maging ang pagkukunan kabuhayan ay nakaplano na rin. Kung kaya’t hindi lamang pamamahagi ng mga bahay kundi pati ang kabuhayan ay naka-integrate, kumbaga, sa malaking proyektong ito.

Kakaibang pag-ibig ang dulot sa puso ng bawat benificiary. Isang pag-ibig na magbubuo muli ng isang tahanan at panibagong buhay.

Gayunpaman, ang programa ay hindi nabuo kung walang musika.

Samantala, nais ko ring samantalahin ang pagkakataon na ito para imbitahan naman ka­yong lahat sa aking Himig ng Aking Pag-ibig, isang Valentine concert na gaganapin bukas, Ika-13 ng Pebrero, sa Music Museum. At siyempre, kulang ang kasiyahan kung walang makatutuwang. Kung kaya’t kasama ko ang aking mga panauhin sa entablado na sina Jim Paredes at Boboy Garrovillo, Shiela Valderrama-Martinez, Bea Lorenzo, at Gab Cabangon.

“Kundi man kita maalayan ng bulaklak, aawitan na lamang kita.”