Una sa Balita

Nancy kay Alan: ‘Wag mo upuan ang prangkisa ng Dos

0 544

UMAASA si Senadora Nancy Binay na hindi hahadlangan ng liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagdinig sa franchise renewal bill ng ABS-CBN kahit na may nakabinbin na petisyon sa Supreme Court sa pagpapawalang-bisa ng prangkisa ng television network.

Ayon kay Binay, hindi dapat upuan ng Kamara ang aplikasyon ng television network dahil trabaho aniya ng mga mambabatas na talakayin at pag-aralan ang merito ng pagbibigay o pagtanggi ng prangkisa sa sinumang nag-apply nito.

“Iyon nga iyong kailangan eh. Paano natin mapag-uusapan kung ano ang aayusin natin doon sa franchise kung hindi naghi-hearing,” sabi ni Binay.

Bagama’t kumilos na ang Korte Suprema sa petisyon, may sapat na oras pa naman aniya ang Kongreso na talakayin ang 11 panukala na naglalayong i-renew ang prangkisa ng network at dalhin sa plenaryo para pagdebatehan at pagbotohan.

“I’m not comfortable sa idea na ila-lapse na lang ang pag-expire ng franchise nang hindi dumaan sa proseso. Parang ang dating is we’re not doing our job,” punto ni Binay.

Kahit aniya nakabinbin ang quo warranto petition, may kapangyarihan ang Kongreso na pagkalooban o ibasura ang legislative franchise para sa media at iba pang public utility company at services.
Ayon pa kay Binay, ang isyung ibinabato sa ABS-CBN ay maaa­ring magamot sa pamamagitan ng amendment at ang mga alegasyon sa pag-abuso ng network at iba pang isyu ay mas mainam na talkayin sa legislative hearing.
“I hope that our colleagues in the Lower House would start weighing which bills should be tackled before Congress goes on break on March 11,” ani Binay.

Sina Sen. Binay at Cayetano ay minsang nagkaroon ng hidwaan matapos imbestigahan ng huli ang mga umano’y anomalyang kinasasangkutan ni dating Vice President Jejomar Binay.

Inamin naman ni Isabela Rep. Antonio Albano, vice chair ng House Committe on Legislative Franchise, na isa sa dahilan kung bakit hindi sila makagalaw ay dahil sa pagkontra ni Pangulong Rod­rigo Duterte.

“Ang problema dito, sa ABS-CBN, we are facing pressure from all side, by no less than the President, inaabot namin ‘yan, malaking pressure ‘yan, dahil Presidente ng Republika ng Pilipinas. Mismong statement ng Pangulo that ABS-CBN has violating it’s rule by taking side, it’s not fair,” ayon pa kay Albano.

Tiniyak naman ni Albano na hindi nila hahayaan na mawalan ng trabaho ang libo-libong empleyado ng network kapag hindi na­bigyan ng panibagong prangkisa ang network. (Dindo Mati­ning/Eralyn Prado/JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More