Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nananakit ang katawan pagka-ehersisyo

0 268

Isa sa mga rekomendasyon dahil nabartolina tayo sa ating mga tahanan dahil sa pandemya ay magkikikilos at magehersisyo pa din. Sa totoo lang, hindi naman kinakailangan talagang lumabas ng bahay para mag exercise. Ngunit may mga nagrereklamo at nagtatanong kung bakit nananakit ang katawan pagkatapos mag exercise. “Ito ay dapat nakakabuti sa ating katawan, pero bakit masakit. May mga pagkakataon pang hindi makakilos at makagalaw makailang araw na. Tama ba ito? O may mali akong ginagawa?” Ang sagot dito ay oo at hindi. Maraming mga instructional videos na mapapanood sa social media at Youtube na pwedeng sundan pero dapat sundan ng maigi para hindi masaktan at mapwersa. Kung hindi sigurado, may mga maaaring tanungan naman kung tama nga ba talaga o mali ang ginagawa. Ito ang mga rehabilitation specialists, physical therapists, or kahit mga gym instructors or PE teachers.

Pero bakit nga ba sumasakit ang katawan pagkaehersisyo? Ito ay sa dahilang namamaga ang muscles pagkatapos ng matinding kilos. Maaari pang magkaroon ng pagkakataon na mapunit ang mga ito. Ang tawag dito ay microtears. Kung hindi agad mawala ang nararamdaman, pwedeng magkaroon ng complete rupture o punit at maging permanente ang damage. Kapag pwersado kasi ang kilos at galaw, pero ipinilit pang magtrabaho ng matindi at sa ibang pamamaraan na hindi ayon sa regular na kilos, maaaring makaramdam ng kirot, pananakit at paninigas ng katawan.

Dahil dito, kinakailangan maipahinga para hindi mabigla, at gumaling sa damage na nangyayari. Kapag nakapahinga, maaari na naman bumalik sa exercises. Maaring gawin ang mga sumusunod para mabawasan ang posibilidad na manakit ang katawan pagkaehersisyo at mag enjoy sa pagpapaayos ng katawan. Una sa lahat ay dapat magstretching ng mabuti, kasama na dito ang warm up, upang hindi mabigla ang mga muscles. Pangalawa ay pwedeng imasahe, pero kung minsan ito ay pinapaliban ng ilang araw para hindi mas mabugbog ang katawan at mas mamaga at manakit ito. Pangatlo ang pinakamahalaga na nabanggit natin, ang pagpahinga. Pangapat ay mangangailangan lagyan ng yelo ang lugar 15 minutos kada 2 oras sa loob ng 24 oras. Panglima naman, ay ang warm compress para makapagrelaks ng husto at gumanda ang daloy ng dugo. Ito ay mainam magawa pagkalipas na ng 24 oras pagkatapos magyelo. Ikaanim, at huli, at kung talagang matindi ang pananakit, ay uminom ng gamot para sa pamamaga. Ito ang NSAIDs o non-steroidal anti-inflammatory drugs na kadalasan ay nabibili sa mga botika o OTC, over the counter medicine.

Ang ehersisyo ay mahalaga para manatili ang kalusugan natin. Gawin natin ng tama, magpatulon kung kinakailangan para hindi tayo manakit. At kung hindi pa mawala ang sakit, magpatingin sa doktor.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.