Una sa Balita

Namatay na dyanitor, pumasok pa sa trabaho

0 510

MGA ka-Misteryo may katrabaho ba kayong pumasok pa pero patay na pala siya?
Yan ang kuwentong karanasan ni Norman ng Pasig nang siya mismo­ ang nakakita sa kanyang kapwa dyanitor na pumasok pa sa trabaho.

Panggabi noon si Norman sa pinapasukang pabrika at ka-relyebo niya si Roman ng alas-6 ng umaga.

May tinatapos lang sa kanyang paglilinis si Norman nang napansin ­niyang maagang dumating si Roman at kitang-kita pa niya nang mag-time in sa kanilang bundy clock, alas-5:15 pa lang nun ng umaga.

Karaniwan kasing dumarating si Roman ng alas-5:35 hanggang ­alas-5:45 ng umaga pero nagtataka si Norman at nanibago sa sobrang aga ng pagdating ng kanyang karelyebo.

Tiyempong makakasalubong ni Norman si Roman sa pasilyo sabay bati at pabiro niyang sinabi: “Roman ang aga mo pumasok ah.”

Tila walang narinig si Roman at diretso siya sa paglalakad at ­nilagpasan lamang si Norman. Inisip naman ni Norman na baka hindi maganda ang gising ni Roman kaya ganun.

Naghahanda na ng kanyang gamit para umuwi si Norman nang ­mapansin niyang hindi na nagpakita si Roman. Karaniwan din kasing nilalapitan muna siya ni Roman para alamin kung ano ang dapat ­unahing linisin sa pagpatak ng kanyang duty.

Papunta na ng lobby si Norman nang nakita niyang nagkakagulo ang mga guwardiya kaya nagtanong siya.

Norman: “Boss ano ba ang nangyayari at nagkakagulo kayo? Meron bang problema?”

Guwardiya: “Grabe pre hindi mo ba alam ang nangyari kay Roman?”
Norman: “Teka…teka…si Roman ba kamo? Eh nakita ko nga siyang nag-time In kanina paanong may mangyayari sa kanya?”

Guwardiya: “Ano! Hindi ko naman siya nakitang nag-time in saka imposibleng ­makakapasok siya kasi naaksidente siya dyan sa tapat pagtawid niya nahagip ng bus.”

Biglang kinilabutan si Norman dahil malinaw pa sa sikat ng araw na nakita niya si Norman at nagkasalubong pa sila pero hindi lang siya pinansin. Nagtanong uli si Norman.

Norman: “Naisugod ba sa ospital? Baka naman galos lang sa katawan at nakabangon agad, nakapasok pa siya sa trabaho, di ba?”

Guwardiya: “Dead-On-The-Spot pre kaya malabo na siyang makapasok pa.”

Halos hindi na nakaimik pa si Norman, nagtaka siya kung paano pa nakapasok si ­Roman kung patay na siya. Gusto niyang makauwi agad pero nanghina siya sa nangyari sa kasamahan sa trabaho.

Naging palaisipan sa kanya kung paano nagawang mag-time in ni ­Roman pero nang tignan niya sa logbook ng mga guwardiya ay hindi ­nakasulat ang pangalan ni Roman sabay ng pagtime-in niya.

Ilang beses na ring naka-engkuwentro ng ganitong mga ­kuwentong ­karanasan ang #TeamMisteryo at patunay lamang nito na hindi agad nalalaman­ ng isang tao na patay na siya kapag biktima ng sakuna, ­trahedya at krimen. Pag nagkataon na ganito ang maranasan niyo ­maaaring magdasal­ para sa ikatatahimik ng kaluluwa o di man kaya ay ipabatid sa kanya na siya ay nasa kabilang buhay na.

Para sa inyong mga karanasang kababalaghan o nakakatakot, mag-email­­ sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang website ng Abante, Abante Tonite at www.reytsibayan.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy