Una sa Balita

Namaril ng DENR employee sa Antipolo pinatungan sa ulo ng P100,000

0 511

NAGLAAN ng pabuyang nagkakaha­laga ng P100,000 ang pamahalaang lungsod ng Antipolo sa sinumang makakapagturo sa namaril sa isang empleyado ng Department of Environment and National Resources (DENR) sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City noong Hunyo 8, 2018 sa ganap na alas-8:40 nang umaga.

Ayon sa police report mula sa Antipolo PNP, binaril ng dalawang la­laking nakasakay sa walang plakang motorsiklo ang biktimang si Dominador Lucas, 55-anyos, nakatira sa Bankers Village, Brgy. Dela Paz, habang naghihintay ng masasakyan papasok sa opisina.

Huminto ang riding-in-tandem sa harap nito at biglang nagpaputok kung saan tumama ang bala ng kalibre .45 sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Dagliang tumakas ang mga suspek pagkatapos bumulagta si Lucas. Nagbitiw ng pahayag si Mayor Jun Ynares na walang puwang ang mga masasamang loob sa Antipolo at hindi titigil ang pamahalaang lokal sa pagpapanatili ng kapayapaan at sa pagbibigay hustisya at parusa sa mga sumisira dito.

Sa kasalukuyan pinaghahanap pa rin ang mga nasabing suspek. Kung may impormasyon na makakatulong tungkol sa nasabing pangyayari, maaaring makipag-ugnayan sa Antipolo PNP sa numerong 697-2409 o 234-5145.