Una sa Balita

Namamalat ‘di naman inuubo

0 242

Kadala­san kung tayo ay inuubo, isa sa mga sintomas na nararamdaman ay ang pamamalat. Pero ano nga ba ang pamamalat?

Ito ay ang pagiging magaspang at harsh o raspy ng boses. Madalas madinig kung medyo magdamag tayong nagkaraoke o matagal na pagsigaw.

Kadalasan ang dahilan ay ang pagkabugbog o irita, o ‘di kaya sugat o aksidente sa mga vocal cord kaya nagbabago ang pitch ng boses. Ang vocal cords ay maihahalintulad natin sa tali ng gitara na nakakabit sa larynx natin sa ibabaw ng daluyan ng hangin o trachea.

Gumagalaw ito at nagbibigay ng tunog sa sandaling madaanan ng hangin. Kung may problema sa lugar nito ay iba ang magiging tunog. Ma­daming bagay ang puwedeng dahilan dito gaya ng mga bukol, tulad ng nodules, cysts, o polyps; pagkaparalisa ng vocal cords; o mga allergies.

Puwede din paglanghap ng mga makakasugat sa daanan ng hangin tulad ng paninigarilyo o nananatili sa mausok na lugar; sakit sa sikmura gaya ng GERD o gastroesophageal reflux disease; at problema sa thyroid gaya ng goiter. Kung minsan ay may nadadamay ding ugat na tinatawag na recurrent laryngeal nerve.

Kadalasan nawawala naman ang mga sintomas nito sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng alaga sa sarili at pagpapahinga ng boses, (gaya ng hindi pagsalita, pagsigaw at pagkanta). Bawal din ang bumulong dahil magagasgas pa rin ang vocal cords, kaya ang pinakamaganda ay huwag na lang magsalita. Isulat na lang ang mag gustong sabihin o ‘di kaya mag-sign language.

Related Posts

Tatlo ang maoobserbahan pag may damage ang vocal cords. Una, halos dala­wang linggong pagkamalat. Pangalawa, talamak na pagkapagod magsalita dahil sa sobrang paggamit, at pangatlo ay may pananakit na sa lalamunan. Mainam kung nararamdaman ang mga ito, hindi nawawala o lumalala pa ay ipa­tingin sa mga kaibigan na­ting ENT-HNS o mga ear, nose, throat, head and neck specialists para masilip ang lalamunan natin sa pamamagitan ng tinatawag na laryngoscopy. Madalas ito ay nagagamot naman.

May mga maaaring gawin sa bahay para mabilis manumbalik ang inyong boses.

1) ipahinga ang boses, 2) uminom ng madaming tubig at iwasan ang uminom ng alak, 3) tumigil manigarilyo, 4) iwasan dumahak at iklaro ang lalamunan, 5) puwedeng gumamit ng mga anti-inflammatory na gamot at huwag gumamit ng mga decongestants dahil lalong matutuyo ang lalamunan. Maaring uminom ng apple cider vinegar, tsaa na may honey, o ‘di kaya sa­labat. Kung talagang wala pa ring lunas at kailangan magsalita (o kumanta), bisitahin agad ang inyong doktor dahil kung pababayaan natin ito ay maaaring tuluyang pumangit o mawala ang inyong boses.
Hanggang sa susunod na Martes!

***
J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. 

Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internasyonal).

Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More