Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nalunod sa dagat ng centipede

0 36

Sana mapansin niyo ito, para malaman ko rin ano ba ang kahulugan ng aking panaginip.

Napanaginipan ko kasi na nalunod ako sa sobrang dami ng centipede. Una muna, nasa labas lang ako ng bahay namin tapos nasa bakuran ako at nagwawalis-walis, pero may nakita akong isang centipede, na maya-maya ay sinundan pa ng napakaraming centipede na kulay itim at malalaki pa.

Nangilabot ako nun pero hindi pa rin ako magising kahit alam kong panaginip ‘yun.

Sinubukan kong patayin ang ilan sa insektong ito at meron din naman na parang patay na at nahalo lang sa daan-daang centipede.

Sobrang nakakadiri ang sitwasyon hanggang sa napagod na lang ako at unti-unting natabunan ng maraming centipede.

Eli

Kapag napapanaginipan natin ang centipede natural na maramdaman ang pangingilabot o pandidiri dahil sa kanilang katangian.

Kung napanaginipan mo ito matapos mong makakita ng centipede sa totoong buhay, posibleng nag-iwan ito sa iyo ng masidhing emosyon at nais mo na itong iwasan. Pero ang hayop na ito ay maraming pwedeng maging kahulugan depende sa sitwasyon sa ating panaginip.

Una, maaaring unconsciously ay naiisip mo ang centipede na simbolo ng iyong mga tinatago o iniiwasan. Halimbawa nito ay kung mayroon kang inaayawan na mangyari, ito ay magaganap naman sa panaginip mo.

Sa iyong panaginip, kahit na tila alam mong nananaginip ka, hindi ka pa rin magising, posibleng dahil ito sa level ng lakas ng loob mo. Sinubukan mo rin na patayin ang centipede, senyales ito na mareresolba mo ang iyong problema o makakahanap ka ng sitwasyong may malaki kang kikitain o ‘di kaya’y may darating na biglaang pera.

Ang malalaking centipede ay nangangahulugan naman na posible kang may kaharaping challenge o tao na higit pa sa iyong abilidad. Kapag mas mataas sa iyo ang centipede sa panaginip, ibig sabihin din nito’y mataas din ang chance na may makakakompetensiya ka.

May kahulugan din ang kulay nito na itim na babala na kailangan mong mag-ingat sa mga makikilalang tao sa hinaharap. Posibleng sayangin niya lang ang oras mo

Sa pangkalahatan, ang panaginip tungkol sa maraming centipede ay senyales na nasa sitwasyon ka ngayon kung saan hindi ka lubusang masaya, o kaya’y may mali sa iyong desisyon, na nagresulta sa problema sa iyong personal at pangtrabaho na buhay.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspekto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.

Leave A Reply

Your email address will not be published.