Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nalubog sa baha na mga awto

0 115

Marami ang lutang.

Ito ay dahil sa hindi inaasahang pagdaluyong ng tubig baha sa iba’t ibang lugar na hinagip ng mga huling bagyo na nananalasa sa bansa na naging dahilan para malubog ang sangkaterba na namang mga sasakyan.

At kagaya ng nangyari sa Ondoy, perhuwisyo na naman ang inabot ng mga may-ari ng mga awto na nadale ng tubig-baha, at ang pinakakaraniwang tanong nga nila sa sarili ay “dapat ko na bang ibenta ang oto ko?”

Kung ang katuwiran lang naman ng pagbibenta ng awto ay upang makaiwas sa pinangangambahang sakit ng ulo na dulot ng pangyayari, maaring ang tamang sagot sa tanong ay “oo ibenta mo na!”

Pero kung ang desisyon ay oo, maaring nasolusyunan ang pinangangambahan mo pero paano naman ang makakabili na posibleng ang ginamit na pera ay matagal ding pinagpawisan, inipon o kaya ay inutang ng porsiyentuhan sa biyenan o kaibigan.

Mabigat sa konsensiya ang mga ganitong pangyayari dahil siguradong hindi ka titigilan sa kakatawag o kakamessage ng nakabili sa iyo kapag nagkahetot-hetot na ang sasakyang napunta sa kanya at dahil me social media na ngayon, baka mapost ka pa online at mabash ng sambayanan.

Lalo na siguro kapag sinabi mong “hindi nabaha, sariwa, low mileage” ang sasakyan bago pa man niya bayaran sa iyo.

Kung ang pag-iwas lang naman sa sakit ng ulo ang pag-uusapan, may isang subok nang paraan para hindi ka maperhuwisyo ng bumili ng iyong sasakyan kahit pa nabaha ito o may nakatagong problema bago ibinenta.

Ang paraan na ‘yan ay ang pagbibenta sa ahente ng iyong sasakyan.

Pero siguradong hindi mo makukuha ang presyong gusto mo kapag ahente na ang kausap mo dahil ang asking price mo ay siya ring gagamitin nila sa pagbenta nito, kaya suma tutal, mas mababa sa inaasahan mo ang magiging bayaran kapag pumayag ka.

Kadalasan na wala nang mahabang tanong tanong ang transaksiyon ng mga ahente dahil sa unang tingin pa lamang nila sa hilatsa ng sasakyan, tantiyado na nila kung sa anong presyo ito mabibili.

Kaya ang gagawin mo na lamang ay pumirma sa isang open deed of sale (ikaw bilang seller at blangko ang buyer), magpafoto copy ng ilang ID at presto bayaran na.

Pagkakuhang pagkakuha sa yo ng ahente ng oto, agad nila itong dadalhin sa showroom o sa display center, lilinisin hanggang sa magmukhang sariwa at presto, ibebenta na.

Pero kahit na magloko pa ang sasakyan mo sa kamay ng bagong may-ari, hindi na ikaw ang bubuligligin ng tawag o message dahil hindi naman na ikaw ang binilhan nila at sa ganitong pagkakataon, malinis ang konsensiya mo.

Ayos ba?

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.