Una sa Balita

Nakatutok ang Pangulo sa COVID-19

0 392

Halos magta-tatlong buwan na ay mainit pa rin ang usapin sa coronavirus disease-19 o COVID-19 na unang nakita sa Wuhan City, China at ngayon ay kumalat na sa iba’t ibang bansa sa mundo, kabilang na ang Pilipinas.

Bagama’t hindi po maiwasan ang mag-alala, hindi naman po tinutulugan ng ating pamahalaan ang pro­blema at ginagawa ang lahat ng paraan para hindi kumalat ang virus sa mga Pilipino.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na po ang nagbigay ng katiyakan na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan at hakbang para matiyak ang proteksyon ng mga Pilipino sa nabanggit na sakit.

Ilang beses pang nag­labas ng mensahe ang Pangulo para mapanatag ang sambayanan sa harap ng banta ng COVID-19.

Ito ay taliwas sa mga batikos na wala raw ­ginagawa ang ating Presidente para pigilan ang pagkalat ng sakit.

Tatlo lamang po ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 na nakita sa ating bansa at hindi mga Pilipino. Mga dayuhan po ang mga ito na bumisita sa Pilipinas at ipinagpapasalamat po natin at ni Pangulong Duterte na wala pong naitalang Pilipino na nahawaan o nakapitan ng COVID-19.

Normal lamang po na mag-alala at matakot dahil sa sari-saring mga nababasa ngayon patungkol sa nabanggit na sakit, subalit nakabantay po ang ating gobyerno para tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng Pilipino.

Iwasan po nating makinig sa mga haka-haka at huwag maniwala sa nagpapakalat ng fake news dahil mayroon talagang mga naglalabas ng maling impormasyon na ang intensyon ay manakot sa kapwa.

Gaya po ng payo ni Pangulong Duterte, sa gobyerno po kayo tumutok dahil ang katotohanan ay nasa gobyerno at sila ang tunay na nakakaalam sa sitwasyon sa harap ng patuloy na pag-aalala ng sambayan sa sakit na kumakalat ngayon sa iba’t ibang mga bansa.

Aktibo po ang ating tanggapan, ang Presidential Communications Office (PCOO) para ilabas ang katotohanan at mahahalagang impormasyon, at para ­iparating sa publiko ang mga ­update at bagong development na ginagawa ng ­gobyerno.

Nagtutulungan din po ang ating ­gobyerno, kasama ang World Health Organization (WHO), medical experts at pribadong sektor para harapin ang pagsubok na dulot ng COVID-19.

Hindi lamang po sa mga Pilipinong nasa bansa ang tutok ng atensyon ng gobyerno kundi pati na rin ang mga kababayan nating nasa ibang bansa, partikular sa China.

Mismong si Pangulong Duterte po ang nagbigay ng katiyakan na naka­handa niyang iuwi ang mga Pilipinong naiwan sa mga apektadong lugar sa China kahit pa mayroong ipinatutupad na lockdown kung gustong umuwi ng bansa, at hindi niya ­papabayaan ang mga ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More