Una sa Balita

Nakatatakot na epekto ng kumakalam na sikmura sa Negros

0 573

Matapos ang ating isinagawang pagdinig sa ilalim ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na ating pinamumunuan, napag-alaman natin at nakumpirma ang sunod-sunod na pagpatay sa ating mga kababayan sa Negros Island. Nabalot na ng takot ang lalawigan bunsod ng mga serye ng patayang ito kung saan ang mga biktima ay kinabibilangan ng mga ordinaryong tao, magsasaka, abogado, opisyal ng lokal na pamahalaan at maging mga miyembro ng ating kapulisan na hindi na rin nakaligtas sa mga pagpatay. Kilala ang Negros Island sa naggagandahang beach, historical tourist spots at malalawak na mga sugar plantation. Ngunit nakalulungkot isipin na ang islang nakilala sa tamis ay napalitan ng pait at pighati dulot ng pag-danak ng dugo.

Dahil sa paglaganap ng karahasan sa lalawigan, naglabas ang Pangulong Duterte ng Memorandum No. 32 na nag-uutos ng deployment ng karagdagang tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga probinsya ng Negors Oriental at Negros Occidental. Doon ay inilunsad din ang Simultaneous Enhanced Managing of Police Ope­ration na ipinatupad ng pinagsanib pwersa ng AFP, PNP, Philippine Coastguard. Ang operasyon ay nag-resulta sa pagkakapaslang sa anim na indibidwal at pagka-aresto ng 26 na iba pa. May kabuang 514 ammunitions, 99 firearms at 12 explosives ang nasabat habang 31 firearms naman ang boluntaryong isinuko.

Responsibilidad natin bilang mambabatas ang pagsasagawa ng malalim na pagsisiyasat sa usaping ito upang tayo ay makapag-balangkas at makapagpasa ng mga kaukulang batas na tutugon sa problemang ito. Ibalik natin ang law and order sa Negros ­Island, ang katahimikan at kaayusan na nararapat sa mga kababayan nating Negrense.

***

Maliban sa pagsiguro ng katahimikan sa lalawigan, ang ating komite ay nakatuon din na tukuyin ang ugat ng pagtaas ng insurgency sa lugar na siyang iniuugnay sa magkakasunod na patayan. Layunin din natin na suriin kung gaano kaepektibo ang mga programa ng pamahalaan laban sa insureksyon. Gayundin ang posibleng mga administratibong hakbang at mga batas na siyang makasusugpo sa karahasan sa probinsiya.

Ang karahasan at kaguluhan sa lalawigan ay iniuugnay din sa pagtaas ng antas ng kahirapan at insureksiyon sa lugar. Sa opisyal na datos mula sa Philippine Statistics ­Authority para sa taong 2018, ang national poverty incidence ay naitala sa 16.6 porsiyento habang 26.1 porsiyento naman sa Negros Oriental. Sa nakalipas na mga taon, ang Negros Oriental ay nabibilang sa sampung pinakamahihirap na probinsya sa bansa. Sa kabuuan, nasa 19.5 porsiyento pamilya ang naitalang nakararanas ng gutom sa lalawigan ng Negros. Hindi man lahat ay naisama sa bilang ng mga nagugutom, karamihan naman ng nakatira sa Negros ay maikokonsiderang salat sa buhay.

Sa ating kapasidad bilang mambabatas, sisiguruhin natin na makapagpasa tayo ng mga batas na siyang magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga Negrense upang maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay. Gayundin ang pagbibigay hustisya sa kaawa-awang pamilya ng mga napatay.

Napapanahon na para masolusyonan, hindi lamang ang kahirapan sa isla ng Negros, kundi pati na rin ang problema sa karahasan. Ating ibalik ang kaayusan sa tinaguriang “Sugar Bowl” ng ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More