Una sa Balita

Nakasisira ng pagtitiwala

By
0 164

Dear Kuya Rom

Tawagin mo na lang akong Lina at tawagin na lang natin siyang Lino. Sa trabaho ko siya nakilala.

Sa simula pa lang, maraming magagandang bagay ang mga ginawa niya para sa akin. Talagang nakaka-touch.

Pinagsisilbihan, inaaalayan, iniingatan niya ako, na parang girlfriend niya ako. Minsan, niyakap niya ako na parang brotherly hug, at sinabing mahal niya ako. Ang mga bagay na ganito ay dahilan kung bakit napalapit ako sa kanya.

Tatlong taong ganito ang trato niya sa akin, kaya napamahal siya sa akin. Hanggang isang araw, nabigla ako.

Nakatanggap ako ng message sa Facebook mula sa isang babae na nagsasabing girlfriend siya ni Lino.

Nag-ask ako kay Lino kung totoo ang sinabi ng babae. Ang sagot niya, hindi. Nakilala lang niya ito sa Internet, binibigyan niya ito ng encouragement, pero hindi sila nagkikita.

Nalaman kong cancer patient ang babae at nililibang ang sarili sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao sa social media.

Tinanong ko siya, boyfriend/girlfriend ba kaming dalawa? Hindi raw, magkaibigan lang, parang magkapatid, kasi wala namang sex na nangyayari sa amin.

Sabi niya, maaaring iniisip kong may feelings ako sa kanya, pero ito raw ay imagination ko lang. Hindi raw niya ako pinaasang may feelings siya sa akin.

Nalilitong pinakinggan ko lang siya. Siguro nga, nakababatang kapatid lang ang turing niya sa akin kaya niya ako iniingatan.

Pero hindi ko tinanggap ang paliwanag niya. Naiisip kong walang sex na nangyari sa amin kasi maaaring may sakit siya sa pagkalalaki o sakit na nakakahawa.

Pagkatapos naming mag-usap, wala na kaming communication na tulad ng dati. Magkasama kami sa trabaho, pero parang hindi na magkakilala. Tinanggap kong tapos na ang lahat sa aming dalawa.

I realized ang nangyari sa akin ay nakasisira ng pagtitiwala. Paano pa ako magtitiwala sa ibang lalaki? May tiwala pa ba ako sa aking sarili? Tinititigan ko ang aking sarili sa salamin, wala na bang papansin at iibig sa akin? – Lina

Dear Lina,

Kung totoong may sakit si Lino, maaaring pinili niyang hindi sabihin ito sa iyo para hindi ka mag-alala.

Kung totoong may sakit siya, ito ay posibleng dahilan kung bakit naging maingat siya sa pakikitungo sa iyo.

Pero hindi totoong hindi ka niya pinaasa. Ang mga mabubuting bagay na ginagawa niya para sa iyo ay nagpapakitang pinaasa ka niya.

Dahil sa mga mabubuting bagay na ipinakita niya sa iyo, hindi ka niya masisisi kung inisip mong mahal ka niya, kahit ito ay sa imagination mo lamang.

Dahil sa nangyari sa iyo, sabi mo nasira ang iyong pagtitiwala. Nawa’y maunawaan mong ang pagtitiwala mo ay nasira lamang kay Lino, hindi ibig sabihin na nasira na ng lubos ang pagtitiwala mo sa ibang lalaki.

Ang pagtitiwala mo sa iba ay hiwalay na bagay at walang koneksiyon sa nasirang pagtitiwala mo kay Lino.  

Tatlong taon na binigyan ka ng pansin ni Lino. Ibig sabihin, may kagandahang nakikita sa iyo, at malaki ang pagkakataong mapansin ka ng ibang lalaki.

Lina, ang mukha at katawan ay napapaganda, pero ang pagpapakanda ng pagkatao at karakter ay higit na mahalaga.

Paunlarin mo ang iyong karakter sapagkat ang ganda ng pagkatao ng babae ay hinahanap ng mga lalaki. God bless you!

Payong kapatid, 
Kuya Rom