Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nakamotor na magpinsan sumalpok sa van, todas

0 162

Patay ang magpinsang lalaki habang sugatan naman ang isa pa nilang kaibigan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na close van truck kamakalawa ng gabi sa bayan ng San Marcelino, Zambales.

Kinilala ang nasawing magpinsan na sina Larry Glenn Umipig at Oliver Umipig habang sugatan ang kasamahan nilang si Vincent Jhon Valdez, pawang nasa hustong gulang at taga-Barangay Santa Fe.

Hindi naman nabanggit sa ulat ang pangalan ng driver ng van na nakasalpukan ng motorsiklo.

Sa ulat ng San Marcelino Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi sa provincial road sakop ng Barangay Consuelo Norte ng nasabing bayan.

Pauwi na sana ang mga biktima na magkakaangkas sa isang motorsiklo nang ma-overtake umano ang drayber nito sa sinusundang kotse dahilan upang malipat sila sa kabilang linya.

Huli na nang mapansin ang kasalubong na van at tuluyan ng nagka-head on collision.

Sa lakas ng salpok ay wasak ang motorsiklo at tumilapon ng ilang metro ang mga sakay nito.

Mabilis namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at isinugod ang mga biktima sa San Marcelino District Hospital subalit dead on arrival na ang magpinsan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.