Una sa Balita

Nakakatakot ang patayan

By
0 200

Nagkalat ang mga bangkay ng pinaghihinalaang mga drug pusher sa iba’t ibang panig ng bansa. Nakakatakot ang pangyayaring ito dahil hindi man lang nabigyan ng tamang imbestigasyon at proseso sa batas ang mga taong ito.

Paano kung hindi naman talaga sila drug pusher at napaghinalaan lamang? Paano kung pinatay lamang sila dahil may alam sila tungkol sa mga malalaking tao na nagsilbing mga protector nila? Dito masusubukan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya nitong pairalin ang batas at mabigyan ng tinatawag na due process ang bawat mamamayan na naakusahan ng isang krimen.

Sang-ayon tayo at suportado natin ang laban ni Duterte sa ilegal na droga dahil ang dami ko na ring nakilalang mga pamilya na nawasak dahil dito pero sana ay maging maayos lamang ang proseso sa pagpapatupad ng ating batas at huwag hahayaan na basta-basta na lamang ang pagpatay ng kapwa natin Pilipino. Paano kung mali pala ang napatay? Mababalik pa ba ang buhay nito?

Ikinatuwa natin ang pagtatalaga ni Duterte kay Bise Presidente Leni Robredo bilang Housing Secretary sa kanyang administrasyon. Masaya tayo dahil nakinig din ang ating Presidente sa tawag ng taumbayan na mabigyan ng posisyon sa kanyang gabinete si Robredo. Hindi magsisisi si Duterte sa kanyang pagbigay ng posisyon kay Robredo dahil talagang matino at mahusay na pinuno si Robredo na gagawin ang kanyang makakaya para lamang makatulong sa administrasyon na maibsan ang lumalalang kahirapan sa ating bansa.

Si Robredo rin mismo ang nagsabi na masaya siya sa ibinigay na posisyon sa kanya dahil isa sa mga naging prayoridad din ng kanyang yumaong asawang si Jesse Robredo ay ang pagbibigay ng maayos na pabahay sa mahihirap nating mga kababayan sa Naga City. Sana ay ibigay ni Duterte ang kanyang buong tiwala at suporta kay Robredo para naman magawa nito ng mabuti ang kanyang trabaho na mabigyan ng maayos at disenteng pabahay ang bawat Pilipino.

Magandang balita na unti-unti nang nakikita ang pagkakaisa ng dalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa. Patuloy nating isama sina Duterte at Robredo sa ating mga dasal na sana ay makapaglingkod sila ng tapat sa bawat Pilipino.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-6772-989.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy