Una sa Balita

OUT OF ORDER: Nakakatakot ang ‘electronic glitch’ sa Bank of the Philippine Islands

By
0 13

Nakatakda sanang imbestigahan ng Senado ang nangya­ring kapalpakan sa electronic services ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na pumaralisa sa mga automated teller­ machines (ATM) sa buong bansa pero ipinagpaliban ito hanggang hindi natatapos ang sariling pagsisiyasat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Dalawang araw ding hindi nakapagtransaksyon ang mga kliyente ng BPI na gumagamit ng ATM, mobile applications at internet banking dahil sa electronic glitch sa computer system ng naturang bangko.

Natakot ang maraming customer ng BPI dahil ang naging resulta ng nasabing computer glitch ay ang hindi tamang mga balanse sa bank accounts ng mga kliyente. 

Sa isang customer, halimbawa, ay nagkaroon ng ­milyung pisong halaga ng deposito sa kanyang ATM na labis niyang ikinatakot. Sa iba naman ay hindi luma­labas ang kanilang mga account balance matapos mag-check sa kanilang mga ATM.

Si Senador Francis Escudero na chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and ­currencies ang nagpatawag ng imbestigasyon pero pumayag na isantabi muna ito hanggang hindi natatapos ang BSP inquiry.  

“Without sacrificing the truth and transparency, we should also be careful about the effects an investigation may have on the banking industry as a whole especially­ given the fact that BPI is the third largest bank in the country,” pahayag ni Escudero.

Pag-aari ng mga Ayala ang BPI at umaabot sa walong milyon ang kliyente ng bangko sa buong bansa. Kila­lang konserbatibo ang BPI kung kaya marami ang ­natakot kung bakit nagkaroon ng electronic glitch na nakaapekto sa operasyon ng mga ATM at internet banking.

Bagama’t hindi hacking o pananabotahe ang sanhi­ ng glitch, hindi maiaalis na magkaroon ng matinding ­pangamba ang mga kliyente ng BPI lalo pa sa panig ng mga ordinaryong empleyado na sa kanilang ATM ­natatanggap ang mga suweldo.

Hindi na rin nga nakakapagtaka kung mag-alisan ang maraming customer ng BPI at lumipat sa mas malala­king bangko ng Banco De Oro at MetroBank dala na rin ng matinding takot nitong nakaraang linggo.

Nagpaliwanag na ang pangulo ng BPI na si Cezar Consing na ang mga naganap na “unauthorized transactions” ay resulta ng pagkuha ng maling file ng kanilang computer system nang magsagawa ito ng batch process.

Tiniyak din ni Consing sa mga BPI customers na walang mawawalan ng pera sa kanilang mga bank ­accounts dahil maisasayos ang computer system ‘pag ­naresolba na ang nasabing glitch o kapalpakan kung saan nagkaroon ng double credits at double debits sa accounts ng maraming kliyente.

Sa ngayon ay tanging ang BPI at BSP ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyaring kapalpakan sa computer­ system ng bangko.

Para sa kapakanan ng 8 milyong customer ng BPI, makabubuti na matuloy ang Senate inquiry sa naturang isyu para ring matiyak na hindi na ito mangyayari hindi lang sa BPI kundi pati sa ibang mga bangko.