Una sa Balita

Nakakaganda ng aura ang pagtulong – Jeannie Sandoval

By
0 379

Sa unang tingin ay iisipin mo na beauty queen si Malabon Mayoralty candidate Jeannie Sandoval. Sa ganda ng mukha, sa tindig, at pananalita, para nga siyang may korona sa ulo palagi.

Naaliw nga kami ni Rey Pumaloy nu’ng mag-guest siya sa “Abantelliling” (online show na mapapanood sa Abante News Online Facebook page) dahil parang hiyang-hiya siya sa mga papuri namin sa kanya.

Isa nga si Jeannie sa mga babaeng politiko na nagtataglay ng bonggang kagandahan. Kasama nga siya sa liga ng mga magaganda sa politika na tulad nina Cong. Lucy Torres-Gomez at Mayor Kring-Kring Gonzales.

“Speechless ako,” tila nahihiyang reaksyon niya.

“Nakaka-inspire lang kasi na mag-serve. Na ‘pag may natutulungan ako, at nakikita ko naman na nagiging maayos at maginhawa ang kanilang buhay, nakakataba ng puso, nakaka-add sa ating happy aura,” sagot niya.

Nag-artista ba siya noon? O gumawa ng commercial?

“I did a few commercials before. Pero matagal na po ‘yon. Nag-cover din ako sa magazine,” nahihiyang pag-amin ni Jeannie.

Tulad ng maraming kababaihan, naaaliw si Jeannie sa mga artista. At isa nga si Coco Martin sa madalas niyang napapanood.

“Si Coco Martin napapanood ko siya sa ‘Ang Probinsyano’ kapag maaga akong nakakauwi. Sa sobrang busy rin kasi, mga news na lang ang naaabutan ko minsan,” pag-amin ni Jeannie.
Paano ang oras niya sa pamilya?

“Time management lang naman ‘yan. Lalo na bilang babae, na ako ang nanay ng pamilya. Kailangan hindi mo mapabayaan ang pamilya mo. Ang bayan kasi pamilya mo rin ‘yan. Ang babae matiyaga, may compassion para sa mga tao. Kaya magaling na public servant.

“Kung ano ang pina-practice ko sa pag-aalaga sa pamilya ko, ganu’n din ang pag-aalagang ginagawa ko sa bayan,” sabi ni Madam Jeannie.

Mula sa pagiging Vice Mayor ng Malabon ngayon ay target nga niya na maging susunod na Mayor ng Malabon. Bakit nga ba?

“Ang paglilingkod kasi palagi namang nandiyan sa puso namin. Kung nakakatulong naman po, gusto lang namin na magtuloy-tuloy lang.”

Paano ba mag-enjoy si Madam Jeannie sa labas ng politika?

“Ang favorite pastime namin ni Cong. (Ricky) Sandoval ay manood ng sine, mamasyal. Dati may time for sports, pero ngayon nawalan na ng oras. Noon mahilig akong umakyat sa bundok,” sagot niya.

Siyanga pala, sa guesting niya sa “Abantelliling” ay bitbit niya ang mga bonggang produkto ng Malabon. Ang sarap nga ng dala niyang Pancit Malabon. At siyemre, hindi pahuhuli ang puto, sapin-sapin at tinapang bangus.

Pero, ang isa pa sa mga bonggang produkto ng Malabon ay ang mga bayong na gawa ng mga kababaihan ng lungsod.

“May kooperatiba ang mga kababaihan sa Malabon. Malaking tulong ‘yan sa kanila, sa mga anak nila, sa mga asawa nila, nakakadagdag sa panggastos araw-araw. Kasama ‘yan sa women empowerment. Ang iba nagkakanya-kanya sila ng gawa sa mga bahay nila. Hindi nila kailangang gumastos ng pamasahe papasok.

“Marami ring proyekto para sa kababaihan sa Malabon. Puwede rin silang mag-aral mag-massage, mag-makeup, at iba pang livelihood na gusto nila. Tuloy-tuloy lang ang pag-aaral nila.”

Paano ang mga kabataan sa Malabon?

“Mostly sa sports sila. We encou-rage them na mag-concentrate rin sa education. ‘Yan ang pag-asa ng ating bayan. Marami kaming scholars na pinu-push talaga namin para mawala sa isip nila ang mga maling gawain.

“Sabi ko nga kung matutulungan namin sila sa edukasyon, hindi sila mapupunta sa masama.

“May Maritime school sa Malabon, na para pagka-graduate ng mga bata, may trabaho agad sila. International ‘yan.

“Magpapatayo rin kami ng isang bagong hospital. May hospital kami pero 10 beds lang ‘yon. Gusto naming mag-expand para lahat ng mga taga-Malabon ay makinabang, na may 200 beds ‘yon, na kumpleto talaga. May dialysis center, chemotherapy. Ipupursige namin na maging libre sa mga taga-Malabon.”

So, handang-handa na siya na maging ‘Ina ng Malabon’?

“Basta tuloy-tuloy lang ang pagtugon sa mga problema. Lahat ng mga binanggit kong programa, tuloy-tuloy lang talaga.

“Problema sa kalusugan, sa baha, at siyempre to educate rin ang mga tao,” sabi na lang ni Madam Jeannie.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy