Una sa Balita

Nakakaalarmang resulta ng National Achievement Test

0 524

Bilang vice chairman ng Senate Committee on Education, Arts, and Culture, nagsagawa ang inyong lingkod ng pagdinig tungkol sa Senate Resolution No. 675 “A Resolution Directing the Appropriate Senate Committee to Conduct an Inquiry, In Aid of Legis­lation, into the Current State of the Philippine Education System and the Effectiveness and Efficacy of Existing Education Laws and Policies” noong Miyerkoles.

Lumalabas na nananatiling kulang pa rin ang kalidad ng basic education sa bansa, dahil sa maraming aspeto. Kabilang na rito na mababa ang pinaka-latest na resulta ng average scores ng mga mag-aaral ng Grade 6 at Grade 10 sa National Achievement Test o NAT.

Base sa datos mula sa Department of Education (DepEd) na nakalap ng aking tanggapan, mababa ang NAT scores noong school year 2016-2017 sa mga Grade 6 student na may 40% average, habang 44.1% naman ang mga Grade 10 student.

Naniniwala ang inyong lingkod na ang ganitong mga pagsusulit ang sukatan ng pag-angat ng kalidad ng sistema ng edukasyon. Dahil dito, malinaw na ang kurikulum sa ilalim ng K to 12 program na dapat itinuturo sa kabataan ngayon ay hindi naituturo nang maayos. Hindi nila maiproseso kaagad ang mga bagong leksyon, kaya naman mababa ang kanilang mga marka sa NAT.

Pati ang hindi pagkatanggap ng mga newly graduate sa mga kompanyang pinag-aplayan ay inilatag din sa ating pagdinig ni Philippine Business for Education (PBEd) Executive Director Love Basillote tungkol sa kasalukuyang pagpapatakbo ng K to 12 program. Karamihan sa kasalukuyang mga requirement ng Human Resources (HR) sa paghahanap ng empleyado ay dalawang taon sa kolehiyo o kaya ay graduate ng kolehiyo. Ibig sabihin, nababalewala ang tinapos ng mga senior high school kung hindi sila kuwalipikado sa trabaho.

Kailangang malutas na ang mga suliraning ito sa lalong madaling panahon dahil ang ikinatatakot natin ay hindi makapasok ng kolehiyo at makakuha ng disenteng trabaho ang maraming kabataan.

Kaya naman, dapat nang mabalikan at pag-aralang muli ang kurikulum ng K to 12 dahil mistulang mayroong misalignment sa mga technical-vocational skills na itinuturo rito at ang kasanayan at kadalubhasaang kinakailangan ng ating mga industriya ngayon.

Inaasahan natin ang mas tutok na atensyon at paghahanap ng solusyon ng DepEd at iba pang mga educational agency at organizations at sa kanilang pakikipagtulu­ngan sa mga mambabatas upang makagawa ng mekanismo at polisiya na susundin para sa pagpapalakas ng sistema ng basic education sa buong bansa. Abangan natin ang karagdagang update sa mga susunod pa nating pagdinig. Umasa kayo na lahat naman ng sektor, pribado man o pampubliko ay nagnanais na maisaayos ang dekalidad na sistema ng edukasyon dahil ito ang sagot sa ma­ginhawang pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino kasama na ang patuloy na pag-unlad ng ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy