Una sa Balita

Nainip sa GCTA, 2 kakosa dinedbol; nag-amok patay din

0 407

Tatlong preso ang nasawi kabilang ang nagwalang bilanggo na walang habas na nanaksak habang tatlo ang sugatan sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City kahapon ng madaling araw.

Kapwa hindi na umabot ng buhay sa NBP Hospital ang mga inmates na sina Pedro Pagador, 59, may kasong murder at attempted murder at ang dalawang nitong kakosa na sina Ryan Aringgo at Amber Caja, kapwa nasa hustong gulang makaraang magtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa nasabi ring pagamutan ang tatlo pang preso na pansamantalang hindi muna binanggit ang mga pangalan. Nagtamo ang mga ito ng minor injuries matapos ding masaksak.

Sa isinumiteng report ni Bureau of Correction (BuCor) Spokesperson Col. Gabriel Chaclag, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Maximum Security Compound sa loob ng NBP.

Ayon kay Chaclag, bigla na lamang nagwala ang presong si Pagador na armado ng improvised deadly weapon dahil sa labis umanong pagkakainip sa pag-aantay sa kanyang Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Dahil sa pagkaburyong, bigla na lamang nitong pinagsasaksak sina Aringgo at Caja na napuruhan agad hanggang sa nagkagulo na sa loob ng maximum security compound.

Matapos ang kaguluhan sa piitan, dito na nakitang duguan ang suspect na si Pagador na nagtamo rin ng malaking sugat sa ulo at saksak sa katawan.

Sinabi ni Chaclag, walang riot na naganap kundi isa sa mga tinitignan nilang dahilan sa pagwawala ng preso ay ang labis na pagkainip sa pag-aantay sa kanyang GCTA.

Base sa rekord si Pagador ay may kasong murder at attempted murder at nasenstensyahan noong Marso 1999 at na-commit ito sa NBP noong Agosto 2000.

Sa ngayon ay patuloy pa ring nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Muntinlupa City Police hinggil sa insidente. (Armida Rico)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More