Una sa Balita

Naingayan sa radyo, pinatahimik

By
0 232

Inaro ng saksak ng kutsilyo ang isang wel­der hanggang sa mapatay ng kanyang kasamahang construction wor­ker na una na niyang nakainuman makaraang awatin sa pagpapatugtog ng malakas sa radyo sa Quezon City, kamakalawa nang gabi.

Sa report ng Crimi­nal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), nakilala ang biktima na si Jayson Montilla Donato, 21-anyos at residente ng Hila­rio Compound, Brgy. Sta. Rita, Bulacan.

Namatay si Donato sa Quirino Medical Memorial Center dakong ala-1:28 nang madaling-araw (Setyembre 9), ayon sa attending physician na si Dr. Kristine Joy Pili Sua­rez, dahil sa tinamong malalalim na saksak sa katawan.

Sugatan naman ang kasama niyang si Anicito Alindahao Pagasartongga, 43, matandang binata, construction worker at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa nasabi ring ospital na nagtamo rin ng saksak sa katawan makaraang umawat.

Agad namang tumakas ang suspek na si Rolly D. Malate, residente ng No. 27 Evangelista St., Bagong Bario, Caloocan City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente ng CIDU-QCPD, nangyari ang insidente dakong alas-11:30 nang gabi noong Sabado sa pinapasukang Dynamite construction site No. 8 Cristobal St., Brgy. Kaunlaran, Cubao, Quezon City.

Una dito ay masaya­ umanong nag-iinuman sina Donato, Pagasartongga, Malate at ang ilan pang kasamahang obrero na sina Melson Pangilinan at Ryan Bagani, matapos ang maghapong trabaho sa construction site.

Dahil sa pagod na umano si Donato sa maghapong trabaho ay nauna na itong nagpaalam para matulog at makapagpahinga.
Naiwan namang nag-iinuman ang mga kasamahan nito, subalit dahil sa lakas umano nang pagpapatugtog sa radyo ng suspek ay nakiusap ang biktima na hinaan ito.

Subalit sa halip na hinaan ang tugtog sa radyo ay galit na tumayo ang suspek at kumuha ng kutsilyo at galit na galit na inundayan ng saksak sa katawan ang nakahigang biktima.

Agad na umawat si Pagasartongga subalit maging siya ay hinalihaw ng patalim ng suspek.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.