Una sa Balita

NAIA paralisado, 59 biyahe kanselado

By
0 882

PARALISADO kahapon ang operas­yon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos isara ang main runway nito dahil sa sumadsad na commercial international flight mula sa China kamakalawa nang hatinggabi.

Sumadsad ang XiamenAir flight MF8667 sa NAIA runway 06/24 at puma­ling ito sa madamong bahagi ng runway sa kasagsagan ng malakas na ulan habang palapag ito. Natanggal pa ang isang makina ng eroplano dahil sa malakas na impact nang mag-crash landing sa NAIA.

Ayon kay Manila International Airport Autho­rity (MIAA) Ge­neral Manager Ed Monreal, walang nasaktan sa 157 pasahero at flight crew at na-eva­cuate ang mga ito sa pamamagitan ng emergency slide chute ng eroplano.

Abante Hiring – IT dep

Umabot na sa 59 international at domestic flight ang naapektuhan sa pagsasara ng NAIA. Ang ibang parating na eroplano ay na-divert sa mga international airport sa Clark, Pampanga; Mactan, Cebu at Davao.

Kinansela naman ng iba ang kanilang flight patungo at paalis ng NAIA.

Nahihirapan ang mga rescue team ng NAIA sa pag-alis sa baldadong eroplano dahil nalubog ito sa putik kung kaya pinalawig pa ang pansamantalang pagpapasara sa paliparan.

Pinapayuhan ng MIAA ang mga apektadong pasahero partikular na ang libo-libong stranded sa departure area ng apat na passenger terminal ng NAIA na makipag-ugnayan sa kompanya ng eroplano para sa rebooking ng kanilang airline ticket.