Una sa Balita

NAIA bantay sarado laban sa terorista

By
0 1,382

MAHIGPIT na tinututukan ng Philippine National Police-Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang mga malalaking paliparan o mga international airport sa bansa.

Ito ay sa harap ng pa­ngamba ng publiko na posibleng makapasok pa rin sa bansa ang ilang banyagang terorista at makalabas naman sa Marawi ang mga natitirang mi­yembro ng Maute ISIS terror group gamit ang mga paliparan.
Ayon kay PNP Aviation Security Group Director, Police Chief Supt. Dionardo Carlos, sa Pilipinas ay mayroong 86 na paliparan.

Sa bilang na ito, 44 aniya rito ay may nakadeploy na tauhan ng PNP-AVSEGROUP para mahigpit na magbantay upang walang makalusot na mga masasamang loob lalo na ang mga terorista.

Alam aniya nilang isa ang paliparan sa posibleng gamitin ng mga te­rorista upang makapaghasik ng gulo.
Partikular aniyang tinututukan nila ang 12 mga international airports na nasa Laoag, Clark, Pampanga, NAIA, Cebu, Iloilo, Cagayan, Caticlan, Puerto Prin­cesa, General Santos City, Davao at Zamboanga.

Kasabay nito, tiniyak naman ni Carlos at ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na handa na sila sa pagdagsa ng pasahero ngayong nalalapit na Semana Santa.

Ani Monreal, nagpadagdag na rin sila ng air condition unit dahil sa inaasahang mainit na panahon ngayong Semana Santa at sa buong ­panahon ng summer.