Una sa Balita

Nahahati ang aking puso

By
0 68

Dear Kuya Rom,

Maganda ang simula­ ng aking relasyon sa dati kong boyfriend, pero hindi kami nagkatuluyan. Pag-uwi niya ng probinsiya, nakita­ niyang muli ang high school classmate niya at nagkaroon siya ng feelings dito. Pagkaraan ng ilang buwan, nag-text siya sa akin at sinabing may asawa na siya.

Nasaktan ako at matagal na hindi ako nakipagrelasyon, hanggang isang araw, nagbakasyon ang kaibigan­ ng pinsan ko at nagkakilala kami. Ang la­laki ay divorced sa kanyang asawa, kaya siya mag-isang namumuhay­ sa Canada. Hindi kami masyadong nagkaroon ng oras para lalong magkakilala dahil marami siyang ina­sikaso sa Pinas. Pero two years na nagpatuloy ang communication namin araw-araw kahit malayo kami sa isa’t isa. 

Nagtapat siyang may anak siyang babaeng pinag-aaral, at regular na nakikipagkita­ ang bata sa mommy niya. Last summer, nagbakasyon ulit siya sa Pinas, kasama ang kanyang anak. Nakausap ko ang bata at sinabi niya sa akin na love ako ng daddy niya.

Natuwa ako sa nari­nig ko. Confirmed kasi ang lahat. Sa loob ng da­lawang taong communication namin ng daddy niya, alam kong may feelings sa akin. Pero siguro dahil nagkikita pa rin sila ng kanyang misis, nag-i­ingat siyang maging komplikado ang buhay nila.

May feelings din ako sa kanya, kaya pumayag akong magkaroon kami ng date. Sinabi niya ang plano niya para sa amin. Gusto niyang magpakasal kami at tumira sa Canada. Pero may isang problema, may sakit ang mommy ko at ako ngayon ang namamahala sa negosyo at kabuhayan namin.

Sinabi ko sa mommy­ ang sitwasyong ito at pumayag siyang ililipat sa kapatid ko ang responsibilidad na nakaatang sa akin. Nagdadalawang-isip ako. — Gina

Dear Gina,

Natural sa tao ang magkaroon ng agam-agam habang pinag-iisi­pan ang isang bagay na seryoso tulad ng pag-aasawa, sapagkat may takot sa puso na maaaring magkamali sa gagawing­ desisyon. Ang pagkakaroon ng takot ay normal, pero hindi mo dapat hayaang maghari ito para sirain ang posibi­lidad ng isang maligaya at magtagumpay na pag-iibigan. 

Dalawang taon ka­yong may communication araw-araw at maliwanag na gusto ninyo ang isa’t isa. Mag-usap kayong muli. Sabihin mo sa kanya ng bigyan ka ng sapat na panahon para magdesisyon. Kung anuman ang na­ging issue kung bakit nasira ang pagtitiwala mo sa iyong ­dating boyfriend noon, pahalaga­han mo ang lalaking nagmamahal sa iyo ngayon. Ibang tao na ang umiibig sa iyo at hindi niya kasalanan ang nakaraang nakasakit sa iyo.

Ang lalaking tunay­ na nagmamahal ay maunawain. Maiintidihan niya ang mga bagay na humahati sa iyong puso – pag-ibig o kayama­nan? Magkita kayo at mag-usap ng puso sa puso. Manalanging ga­bayan kayo ng Diyos sa inyong buhay. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom