Una sa Balita

Duterte at ang Tsina

0 1,214

Medyo nalilito ako sa mga pasaring ng mga kalaban ng Duterte administration na ito ay tuta ng Tsina (ayon sa LP) habang ito rin ay tuta ng mga Amerikano (ayon sa mga makakaliwa) kung ang totoo ay kailangan lang niyang lumaro sa mga superpowers na ito.

Kasi naman, totoo ang Pilipinas ay nasa gitna ng isang power play sa pagitan ng Tsina at Amerika at bilang isang bansa, kailangan nating maging mabait sa lahat kasi hindi natin kaya na masyadong magmaldita. Kumbaga, umarte ayon sa ganda.

Katulad na lamang ng Tsina, alam ni PRD na maraming kasalanan ito sa atin. Maraming nalabag na usapin at marahil tayo ay rinding-rindi na sa mga kalabisan nito.

Pero, anong kaya nating gawin? May kapasidad ba tayong ipaglaban ang sarili natin?

Kung sakaling na­ging palaban tayo sa Tsina ay sasagipin ba tayo ng Amerika? Kung ipagpipilitan natin ang gusto ng iba na maging matigas ayon sa ruling ng UN ukol sa mga pinaglalabang teritoryo, kaya ba na­ting tanggapin ang epekto nito?
Ang totoo, bully ang Tsina. Bully din ang Amerika.

Sila lahat na malalaki ay puro bully ‘yan. Ang masaklap, tayong mga maliliit ang pinapain nila upang isulong ang mga gusto nila.
Gagamitin ng Amerika ang UN ru­ling upang pilitin tayo na magmaldita sa Tsina dahil kung hindi, puwedeng aabot sa Benham Rise ang pag-aangkin nito at lalapit na ito sa teritoryo ng Guam na parte ng Amerika.

Ibig sabihin, mas nanaisin ng Amerika na mainis ang Tsina sa atin kaysa magkaproblema sila mismo du’n.

Ang Tsina naman ay sinusubukan kung hanggang saan ang kaya nila hanggang umalma ang Amerika. Nagpapakitang gilas ang Tsina dahil kung nakikita ng ibang bansa na ma­lakas ito at takot ang US dito, mas luma­laki ang sakop ng impluwensiya nito.

At kailangan nilang kontrolin ang West Philippine Sea at South China Sea.

Ang umaarte lang talaga si PRD ayon sa ganda ng Pilipinas.

Ano pa ba ang kaya niyang gawin?