Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nagwaging Waray sa UN art contest binida ng Kamara

0 104

Pinagtibay ng House Committee on Climate Change nitong Biyernes ang mga resolusyon na kumikilala kay Brikko Iyanev Martillo Dumas na nanalo sa digital art contest ng United Nations Framework Convention on Climate Change.

Inaprubahan ng komite na pag-isahin ang House Resolution 2365 at 2355 na siyang isusumite sa plenaryo ng Kamara upang pagtibayin ng Mababang Kapulungan.

Ayon kay An Waray party-list Rep. Florencio Gabriel ‘Bem’ Noel, may-akda ng HR 2365 ang panalo ni Dumas ay nagbigay ng karangalan sa buong bansa at marapat lamang na kilalanin ito.

Nakuha ni Dumas ang first award winner sa DigitalArt4Climate Art Contest for Climate Change sa pagtatapos ng UN Framework Convention on Climate Change noong Nobyembre 14, 2021.

Tinalo ng obra ni Dumas na may titulong ‘Nexus’ ang 208 entry mula sa 58 bansa.

Ang kanyang obra ay ididisplay sa mga tanggapan ng UN sa buong mundo. Ito ay ipapa-auction din sa 2022 bilang nonfungible token (NFT).

Makikita sa kanyang iginuhit ang plastic bag na hugis buntot ng isda at mayroong kulay dilaw na straw. Isang sigarilyo ang nakaipit sa dalawang daliri at usok na hugis dahon.

Si Dumas ay isang full-blooded Waray na ipinanganak sa Isabel, Leyte. Siya ay lumaki sa Paolo, Leyte at Quezon City.

Ayon kay Noel, ang kritikal na pananaw ni Dumas sa climate change ay may kaugnayan sa pagkawasak ng kanyang kinalakihang bahay sa Palo nang manalasa ang super typhoon Yolanda noong 2013. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.