Una sa Balita

Nagtapos pero hindi katapusan

0 559

Sa karaniwang empleyadong sumusuweldo nang dalawang beses isang buwan, mahalaga ang katapusan ng buwan. Araw ito ng suweldo. Gaya ko. Karaniwang propesor sa isang karaniwang pamantasan sa Maynila. Hinihintay-hintay ko ang araw ng suweldo para tustusan ang mga pananagutan ko.

Pero hindi tungkol sa katapusan ng buwan ang gusto kong talakayin sa aking kolum ngayon. Hindi rin lalo ang, huwag naman sana agad, katapusan ng buhay. Ang gusto ko, bilang propesor na lumilingap sa kaniyang estudyante, ay ang ‘katapusan’ ng pag-aaral na minamarkahan ng pagbibigay ng dip­loma sa mag-aaral na nagsipagtapos.

Sa malaki at matandang unibersidad na pinagtuturuan ko, nagtapos at nakatakdang magtapos ng pag-aaral ang mahigit sampung libong estudyante. Sa dami, hindi pupuwedeng sabay-sabay ang pagtatapos o graduation. Sa dami, hinati sa kung ilang araw ang seremonya sa bawat kolehiyo sa unibersidad.

Kahapon, Sabado, Hunyo 1, ang graduation ng mga mag-aaral sa aking kolehiyong pinaglilingkuran bilang propesor at tagapangulo ng isang departamento. Simula ng buwan ang araw ng kanilang pagtatapos. Mahigit isang libong mag-aaral mula sa aming kolehiyo ang ginawaran ng kani-kanilang degree para masabing tapos na ang kanilang pag-aaral.

Kolehiyo naman kasi ang itinuturing na katapusan ng pormal na pag-aaral ng karamihan. At ang mga nagtapos sa amin kahapon ang masasabing huling batch ng magtatapos na wala pa ang K-12 program. Ibig sabihin, sila ang deretso kolehiyo nang matapos sa high school.

Ang susunod na batch sa mga nagtapos ngayon ay mga nasa ikalawang taon pa lamang ng kolehiyo dahil kailangan nilang sumailalim sa bagong senior high school program, o iyong dagdag na dalawang taon ng pag-aaral bago pa makapagkolehiyo.

Pero pagtatapos nga ba ng pag-aaral? Alam naman nating lahat na hindi dapat magtapos ang pag-aaral. Simbolo lamang ang graduation ceremony. Nagtapos ng pormal na pag-aaral na pinatutunayan ng diploma na nagsasaad kung ano ang digring tinapos. Wala na ang pag-aaral na tinutumbasan ng grade, na sinasabihan kung pasado o bagsak, at kung makukumpleto ang mga course requirement, bibigyan ka ng sertipiko o diploma.

Tapos na ang pag-aaral na sinusukat ang natutuhan sa mga proyekto o pagsusulit. Pero hindi natatapos ang pag-aaral na puno ng tagumpay at kabiguan, punong lalo ng mga pagsubok. Kahit matanda na, kailangan pang mag-aral. Kailangan pang may matutuhan. Hindi diploma ang magsasabing natutuhan mo na lahat. Pansamantala lamang ito.

Totoo ito lalo na sa mga nagtapos na mag-aaral ko. Bumabalik sila sa akin para sabi­hing ang nakuha nilang trabaho ay malayo sa kanilang pinag-aralan, kaya kailangan pa nilang mag-aral muli bagama’t wala nang katumbas na marka o diploma. Minsan nga, naguguluhan pa kung paano raw nila magagamit sa napasukang trabaho ang pinag-aralan sa kolehiyo.

Isasagot ko, mara­ming natamong karunungan ang hindi na­bigyan ng marka habang nag-aaral. Di­siplina, tiwala sa sarili, pagkamaparaan. Ilan lamang iyan.

Wala naman kasing digri sa kolehiyo ang makapagbibigay ng sandaang porsiyentong kahandaan sa buhay matapos ang pag-aaral. Marami pang dapat matutuhan. Walang katapusan. Nagtapos lang ang mag-aaral ko ng pormal na pag-aaral, pero hindi ng pagta­tamo ng kaalaman sa buhay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy