Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nagpositibong mga health worker saklolohan- Act as One

0 179

Sa gitna nang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa hanay ng healthcare workers ay nanawagan ang Act As One Party-list na agarang ilabas ng pamahalaan ang pondong nakalaan sa compensation ng medical frontliners na sapol ng COVID habang naka-duty.

“Sa pinakahuling tala ng DOH, 3,114 HCWs ang may COVID sa mga pampublikong ospital at institusyon, hindi pa kasama ang nasa pribado. Habang sila’y may sakit, kailangan nila ng gamot, vitamins at maraming supplements. Nararapat lamang na suportahan sila ng pamahalaan sa kanilang mga gastusin,” ani Atty. Marcelino Arias, Jr., second nominee ng Act As One Party-list.

Bukod sa ibang benepisyo, ang medical frontliners na magkakasakit sa COVID habang on duty ay makakatanggap dapat ng sumusunod: P15,000 para sa mild o moderate na cases, P100,000 para sa malubhang impeksyon, at P1 milyon kapag nasawi dahil sa COVID.

Nakabatay ang compensation na ito sa Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1, na itinuloy ng pamahalaan habang walang humpay ang pandemya. Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, P1.08 bilyon ang nakalaan para dito at handa nang mai-release kapag natapos na ng DOH at DBM ang implementing rules ng batas.

“Hindi naman talaga mababayaran ng anumang halaga ang sakripisyo ng ating magigiting na frontliners. Ngunit kahit paano, makakatulong ito sa kanilang gastusin habang nagpapagaling. Paano na lang kung madala pa nila sa bahay ang virus at madamay din ang kanilang mga mahal sa buhay?” ani Arias.

Leave A Reply

Your email address will not be published.