Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nagpasya na ang bayan

0 86

Magandang araw mga kababayang Bicolano! Nagpasya na ang taumbayan kung sino ang papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30.

Tapos na ang halalan kaya’t panahon na upang magkaisa ang mga Pilipino. Ibaon na sa limot ang galit, poot o anupamang nararamdam ng magkabilang kampo. Hindi aabante ang ating bansa kung patuloy na watak-watak ang sambayanang Pilipino.

Mahalin natin ang Inang Bayan tulad ng pagmamahal natin sa mga Ina ng Tahanan noong Linggo, Mayo 8, sa pagdiriwang ng Mother’s Day sa bansa.

Bukod sa Araw ng mga Puso, naging mabili noong Linggo ang mga bulaklak bilang handog sa mga Nanay. Punuan din ang mga restawran upang ipagdiwang ang mahalagang okasyon.

Umaapaw rin ang mensahe sa social media bilang parangal sa mga ina. Iba-iba ang pagsasalarawan sa taong nagpalaki sa kanila. May mga nagsasabing sila ang kanilang bayani, reyna, best friend, supermom, at iba pang magagandang katangian ng isang ina.

Ang Mother’s Day ay isang pagkilala sa pinakamahalaga at dakilang nilalang sa mundo na nagpalaki at nag-aruga sa ating lahat. Kung ano man tayo ngayon ay dahil sa ating mga ina.

Kailan nga ba nagsimula ang selebrasyon ng Mother’s Day? May mga nagsasabing una itong ipinagdiwang ng mga sinaunang Griyego at Romano. Nagdaos sila ng mga kapistahan bilang parangal sa mga inang diyosa na sina Rhea at Cybele.

Sa Estados Unidos, ang modernong holiday ay unang pinagdiwang noong 1907 nang pangunahan ni Anna Jarvis ang unang Mother’s Day service of worship sa Andrews Methodist Episcopal Church sa Grafton, West Virginia. Ang Andrews Methodist Church ang siya ngayong International Mother’s Day Shrine.

Sa Pilipinas, kahit hindi kabilang sa listahan ng mga holiday, mistulang pista opisyal ang Mother’s Day.

Kaya naman po ang Ako Bicol Party-list, lubos ang pagmamahal sa mga Ina ng Tahanan dahil sa mga proyektong pinakinabangan ng mga nanay.

Kamakailan lamang, ginabayan ng Ako Bicol ang pagpapakasal ng 20 magsing-irog sa Parroquia De San Juan Bautista sa Daet, Camarines Norte. Nakatangap din ang bawat magkabiyak ng isang sakong bigas at marami pang regalo. Binati ng Ako Bicol Party-list ang mga kinasal ng isang masagana, ligtas at masayang pagsasama.

Samantala, sa programang Tabang Ora Mismo ng Aksyon Co Center noong Mayo 2, 2022, tinalakay ng inyong lingkod, Joshua Martinez, Jr. at kasamang Remy Araneta-Mendones, ang kalagayan ng 65-anyos na si Nanay Gloria ng Legazpi City. Dahil sa kanyang edad ay iba-ibang sakit na ang kanyang nararamdaman, tulad ng sakit sa puso, diabetes at katarata.

Lumapit sa Tabang Ora Mismo ng Aksyon Co Center si Nanay Gloria upang makahingi ng medical assistance. Agad namang ipinagkaloob ng programa ang kanyang kahilingan at sinamahan pa ng food packs.

Labis ang pasasalamat ni Nanay Gloria sa Tabang Ora Mismo ng Aksyon Co Center, gayundin sa Ako Bicol Party-list na itinatag ni Cong. Zaldy Co.

Muli, binabati ko ang mga nagwagi sa nakaraang halalan. Hanggang sa muli, mga kababayan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.