Una sa Balita

Nagpapakalat ng fake news tugisin – Win

0 499

Pinakikilos ni Senador Win Gatchalian ang National Bureau of Investigation at ang Philippine National Police para tugisin, kasuhan at ikulong sa mga nagpapakalat ng fake news sa bansa.

Ayon sa senador, mas mabilis pa aniya ang pagkalat ng fake news sa internet kaysa sa sakit na dulot ng coronavirus.

Sabi ni Gatchalian, ang pagpapakulong sa mga taong nagpapakalat ng fake news ay magsisilbing babala para sa mga magdudulot ng takot at kalituhan ngayong nasa gitna ng isang public health emergency ang bansa.

Nauna nang nagbabala ang PNP sa publiko na maaaring kasuhan ng paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 ang mga nagpapakalat ng fake news at maling impormasyon.

Isang halimbawa ng fake news ay nangyari sa Cebu kung isang optometrist na diumano’y nagpakalat ng isang maling ulat ang kinasuhan ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code at ng Cybercrime Prevention Act of 2012.

Lumabas din sa social media ang babala mula sa United States State Department na maaaring umakyat ang mga insidente ng nakawan sa Pilipinas sa kalagitnaan ng lockdown.

Pinabulaanan naman ito ng US Embassy sa Pilipinas at ipinaalala sa publiko na anumang pahayag na manggagaling sa kanila ay lumalabas lamang sa kanilang mga opisyal na social media channels, website, at mga ulat na ibinabahagi sa mga mamamahayag.

“Imbes na makatulong sa pagbabahagi ng sapat at tamang impormasyon ngayong nasa gitna tayo ng krisis, nagiging sanhi pa ng kalituhan at kaguluhan ang mga nagpapakalat ng maling balita,” sabi ni Gatchalian.

“Hangga’t wala tayong naipapakulong sa mga nagpapakalat ng mga kasinungalingang ito, patuloy ang mga taong ito sa kanilang paghahasik ng takot at kalituhan sa publiko,” dagdag pa niya.

Pinaalalahanan ni Gatchalian ang publiko na maging alerto ang publiko at mga awtoridad sa iba’t ibang mga scam, pati na ang mga pekeng donation drives na maaaring maging talamak ngayong mahaba-haba ang panahon ng mga taong manatili sa bahay.

Kailangan aniyang maging mapanuri ang tao sa mga ulat at impormasyon na kanilang natatanggap. (Dindo Matining)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More