Una sa Balita

Nagpanggap na magdyowa, timbog

Shabu sa roses

By
0 594

Dinakip ng mga awtoridad sa Bacoor City, Cavite ang dalawang katao na nagpanggap pang magkasintahan makaraang mabuking ang shabu na itinago sa bouquet ng bulaklak.

Kapwa nakakulong ngayon sa Bacoor City Custodial Center ang mga suspek na sina Jason Jordan Dela Cruz, alyas ‘Papa G’, ng Green Valley, Brgy. Molino 3, at Mary Isabelle Gahisan, alyas ‘Mabel’, 22, ng Tondo, Manila.

Sa ulat ng Bacoor Police, dakong alas-singko Huwebes nang hapon nang nakipagtransaksiyon ang dalawa sa isang poseur buyer sa Marcos Alvarez Road, Brgy. Molino 2.

Para hindi mahalata ang dala nilang shabu ay nag-disguise ang da­lawa na magsyota at nagdala ng rosas kung saan nakalagay ang ibinentang shabu saka iniabot sa poseur buyer na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Tinatayang 0.82 gramo ng shabu ang nakalagay sa palumpon ng rosas na may street value na P5,576 habang nakuha rin kay Gahisan ang isang kulay pink na coin purse kung saan nakasilid ang 12.18 gramo pa ng shabu na may street value na P82,824.

Bukod sa iligal na droga, narekober din sa dalawa ang P1,000 buy-bust money at weighing scale.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampang kaso laban sa dalawa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More