Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nagpakilala na

0 98

Kakilala lang. Sa Ingles, maaaring katumbas ng acquaintance ang salitang ‘kakilala’. Ibig sabihin, hindi kaibigan, hindi rin naman kakilalang-kakilala. Maaaring isang tao na naipakilala sa iyo sa isang okasyon. Nalaman mo ang pangalan, kung saan nagtratrabaho, maaaring kung tagasaan. Maliban doon, wala ka nang malalim na kaalaman hinggil sa kaniya. Kaya kakilala lang.

Marami tayong kakilala lalo kung isasama natin ang dami ng mga kaugnayan natin sa social media. Sa akin, may ilang libo akong ka-Facebook. Kakilala ko ang karamihansa pangalan. Natatandaan ko kung tagasaan, kung paano kami nagkaugnay. Dahil medyo matagal na rin namang nagtuturo, marami akong kakilalang naging mag-aaral ko at mga kasamang guro hindi lamang sa unibersidad kung saan ako nagtuturo kung hindi maging sa ibang unibersidad sa kapuluan.

Kakilala ko ang mga kapwa propesor dahil nakasama sa kumperensiya. Ipinakilala o kung hindi man, kusang nagpakilala minsang nagkasabay kumain sa iisang mesa o magkatabi sa auditorium.

Marami sa mga kakilala kong ito ang lumalim ang ugnayan. Naging magkaibigan. Mas marami akong nalaman tungkol sa kanila. Ganoon din naman sila sa akin. May ilang hindi lang basta magkaibigan, naging kumare o kumpare ko.

Ganito naman talaga tayo. Nagsisimula sa magkakilala bago nagig magkaibigan o, tulad ng isinasaad ng pamagat ng kolum ko, naging magkagalit dahil ‘nagpakilala na’.

Sinasabing ‘nagpakilala na’ ang isang tao na may ipinakitang ugaling hindi mo nakasanayan. May ugali palang hindi mo natutuklasan kaya nang malaman mo, sasabihin mo, ‘nagpakilala na’.

Karamihan sa ‘nagpakilala na’ ay nagpakita ng hindi magandang ugali. Maaaring hindi pala mapagkakatiwalaan, gaya nga ng naging halimbawa ng isang kakilala ko noon, nalustay ang maliit na pondo ng aming samahan. Sinabi ng isang kaibigan, ‘nagpakilala na’sa maliit na halaga. Ibig sabihin, may itinatago palang masamang ugali.

Nitong katatapos na halalan, naging usap-usapan ang maraming patutsadahan ng mga pamilya at magkakaibigan. Nauwi sa hindi pagpapansinan o, may nabalitaan pa ako, pagkakagalitan. Sa iba, sasabihin, politika lang ito, hindi dapat sanhi ng away ng pamilya. Sa iba, paninindigan ito higit sa politika. May moral na usapin sa uri ng politikong sinusuportahan. Dito lumalabas ang maraming sinasabing ‘nagpakilala na’.

Lalo nang matapos ang eleksyon at naging malinaw kung sino ang mga nagsipagwagi, lumabas ang mga sinasabing ‘nagpakilala na’ na sumuporta pala sa isang panig nang hindi nalalaman ng pamilya o mga kaibigan.

Mistulang magkakatulad naman talaga ang kahulugan ng mga salitang kilala ang salitang-ugat. Pero nababago kapag nilalagyan na ng panlapi: kakilala, nagpakilala, kinikilala.

May mga tao na kilalang mabait sa isang lugar. Mayroon din namang kilalang mayabang o palaaway. May hiwalay na ibig sabihin din ang katagang ‘kinikilala sa lipunan’ na nirerespeto ng marami ang kasingkahulugan.

Ngayong katatapos na halalan, mayroong nagwagi na kinikilala sa lipunan, mayroon din namang hindi kilala pero nahalal. May kilalang mayabang at balimbing kaya hindi nanalo at mayroon tayong mga kaibigan na sana ay nanatiling kakilala na lang imbes na ‘nagpakilala na’tungkol sa kaniyang tindig pampolitika at prinsipyo sa kabuuan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadalang mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundanninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Leave A Reply

Your email address will not be published.