Una sa Balita

Nagpa-panic sa TRAIN? Ano ba talaga ‘yon?

By
0 1,784
Ilang linggo na natin napapakinggan ang tungkol sa TRAIN at iba-iba rin ang naririnig kong reaksyon. 
 
May mga masaya dahil parang malaki na ngayon ang suweldo nila dahil bababa na ang tax. Mayroon namang malungkot dahil bababa nga ang tax nila pero tataas naman ang presyo ng mga bilihin. 
 
Nakakaloka ang gulo nito lalo na iba-iba ang pinanggagalingan ng impormasyon natin at nakakalito nga naman.
 
Ano nga ba ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN?
 
Noong Linggo sa BISErbisyong Leni, kasama ni VP Leni Robredo si USec Karl Kendrick Chua ng Department of Finance para matulungang maliwanagan ang ating mga kababayan. 
 
Sabi niya, ang TRAIN ay para maisaayos ang pagpopondo ng ating bansa. Ibig sabihin, dahil sa TRAIN, maayos ang pagkolekta ng tax at magagamit ito nang tama. 
 
“Ito ay nagbababa ng ating personal income tax dahil 20 taon na po nating hindi naia-adjust, at nagbabayad po nang napakalaki iyong ating taumbayan, at medyo mataas pa ito kumpara sa ating mga karatig-bansa sa ASEAN, para maging competitive,” kuwento ni Usec Karl.
 
At dagdag niya, “pero iyong isa pang dahilan dito, dahil malaki iyong ating pangarap na mapaunlad iyong ating bansa. Kailangan po nating mag-invest sa mas maraming infrastructure, sa social services, health, education, social protection, para mas maging mababa iyong antas ng kahirapan.
 
“Kaya dito po natin kailangan iyong tax reform, para matulungan iyong ating bansa at iyong bawat Pilipino na mas maging maunlad po.”
 
Pero iisipin natin, talaga bang makakatulong ito sa ating mga kababayan? 
 
Naiisip ko iyong mga mahihirap na raket-raket lang ang trabaho. Hindi naman sila nagbabayad ng tax sa sahod nila kung tutuusin – sa mga bilihin lang sila nagiging kasali sa pagbayad ng tax. 
 
Kung tataas ang presyo ng mga bilihin at wala ring pagbabago sa kanilang kita (ibig sabihin hindi rin nabawasan) pero nagmahal naman ang presyo ng pang-araw-araw na bilihin, hindi ba’t kawawa sila? Hindi ba mas ipit sila lalong nasa laylayan?
 
Naalala ko ang sabi ni VP Leni habang kausap si Usec Karl. Sabi niya, “kung titingnan natin iyong unang component sa pagbaba ng rates para sa personal income tax, makakatulong talaga doon sa mga maliliit iyong suweldo. Dahil kung dati ay may buwis na ibinaba­yad, ngayon ay wala na.
 
“Pero iyong isa din na tinatanong dito, paano iyong hindi napaboran? Iyong dati naman na hindi talaga nagbubuwis. Alam mo iyong dati, wala na talaga siya sa threshold na nagbubuwis – iyong sinasabi na siya iyong lalong naiipit ngayon,” dagdag ni VP Leni. 
 
Ang pagtaas daw ng presyo, ayon sa sagot ni Usec Karl ay kakaunti lang naman. Sapat lang para sa mga kababayan nating minimum-wage earners, at sapat din para matustusan ang mga proyekto ng gobyerno.
 
Napakarami pang ibang aspekto ng TRAIN ayon sa usapan nila VP Leni at Usec Karl (mapapanood sa VP Leni Robredo page sa Facebook ang buong segment), pero simple lang ang puno’t dulo nito. 
 
Kailangan nating gumawa ng mga paraan para maabot ng tulong ang mga kababayan nating hindi lang nasa laylayan dito sa city, pero pati na lalo silang mga nasa pinakamaliliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa.