Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Nagkatotoong pangarap

0 155

Isang malaking aktibidad nitong nakalipas na linggo ang inagurasyon ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) na nag-uugnay sa Cebu City at Mactan Island matapos na pangunahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga opisyal ng gobyerno.

Ang inagurasyon ng 8.9 kilometrong CCLEX noong April 27,2020 ay isang “dream come true” o pangarap na natupad para sa mga Cebuano dahil natapos ang proyekto sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte sa kabila ng pagsubok na idinulot ng COVID-19 pandemic sa bansa at sa buong mundo.

Hindi isang simpleng istruktura ang CCLEX kundi isa itong state of the art na proyekto na magsisilbing iconic landmark ng Cebu at magpapabilis sa biyahe ng mga motorista.

Mayroon po itong design speed ng 60-80 kilometer per hour at navigational clearance o taas na 52 meters para sa mga malalaking sasakyan na dadaan dito.

Inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa sa biyahe ng mg motorista ang CCLEX at magpapalakas sa lokal na ekonomiya.

Sa mensahe po ni Pangulong Duterte, sinabi nitong ang pagbubukas ng CCLEX ang kalutasan sa matinding problema sa traffic sa Metro Cebu at magpapasigla sa ekonomiya ng Cebu province at sa iba pang bahagi ng Visayas .

Mas magiging mabilis , ligtas at maginhawa ang biyahe ng mga tao pati na rin ang mga kargamentong dadaan sa bagong tulay at inaasahang makakapagserbisyo ito ng 50,000 na mga sasakyan kada araw.

Ngayong binuksan na po ang CCLEX, hindi na makakaranas ng kunsimisyon ang maraming taga-Cebu sa traffic at mapapabilis na ang kanilang biyahe patungo sa kanilang destinasyon, hindi katulad dati na puro stress ang aabutin lalo na kapag mayroong hinahabol na mahalagang lakad o flight sa airport.

Malaki rin pong potensiyal ang hatid ng pagbubukas ng CCLEX para sa mga nais magnegosyo o mamuhunan sa Cebu pati na sa turismo at isa na ito sa mga maipagmamalaki ng mga mamamayan ng Cebu.

Bago po nakumpleto ang CCLEX ay sinubok ng matinding pagsubok ang proyekto dahil sa COVID pandemic at pananalasa ng bagyong Odette subalit hindi ito naging hadlang at dahilan para itigil ang proyekto.

Natapos po ang proyekto dahil sa determinasyon at katatagan ng partner builders na kahit sa ano mang pagsubok ay malalagpasan ito basta may determinasyon, pagkakaisa at iisang magandang layunin para sa mga Pilipino.

Ang inagurasyon po ng CCLEX ay itinaon sa ika-501st anibesaryo ng tagumpay ni Lapulapu laban sa pananakop ng mga Kastila sa Mactan island.

Isa sa highlight ng CCLEX ay ang iconic cross sa tuktok ng dalawang pylons ng kable na sumasagisag sa kristiyanismo sa Cebu.

Hindi po mabubuo at maitayo ang CCLEX kung hindi dahil sa vision at marubdob na hangarin ni dating Cordova Mayor at Presidential Legislative Liaison Office Secretary Adelino “Addy” Sitoy na magkaroon ng tulay na mag-uugnay para sa mga mamamayan ng Cebu at Cordova.

Naniniwala po ako na sa pagbubukas ng CCLEX ay lalong lalakas ang kaunlaran sa Visayas region at magbibigay ng mas maraming oportunidad , hindi lamang sa ekonomiya kundi sa turismo na magbbigay ng dagdag na hanapbuhay sa mga Cebuano.

Mababawasan na po ang mahabang biyahe, at maiiwasan na ang matinding traffic lalo na sa City proper patungo sa Mactan kung saan paboritong destinasyon ng mga turista dahil sa mga magagandang beaches at mga tourist destinations.

Nagpapasalamat po tayo sa Cebu City Government, gayondin sa munisipalidad ng Cordova dahil sa suporta kooperasyon nila para matapos ang proyekto sa pamamagitan ng Cebu-Cordova link Expressway Corporation at ng Metro Pacific Tollways Corporation.

Muling napatunayan na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagkakaisa ng layunin at mithiin ay makakamit ang pangarap para sa komportableng buhay ng bawat Pilipino.

At gaya nga po ng pangako ni Pangulong Duterte, tuloy-tuloy ang pagtatrabaho ng kanyang administrasyon hanggang sa huling araw ng kanyang termino para maibigay ang mas komportableng buhay para sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng ligtas at matatag na mga imprastruktura na magsisilbing pamana sa mga susunod na henerasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.