Una sa Balita

Nagbirong may bitbit na bomba, delivery boy kalaboso

0 294

SA kulungan ang bagsak ng isang delivery boy matapos magbirong may bomba ang dala niyang delivery box habang iniinspeksyon ng isang guwardiya sa casino hotel sa Parañaque City nitong Biyernes nang hapon.

Kinilala ni P/Col. Robin Sarmiento, hepe ng Parañaque City Police ang naarestong suspek na si Reynaldo Balisi Jr., 30, ng 315 Unit B San Nicolas A2 Bacoor, Cavite makaraang ipadakip ng mga security officer ng Bloomberg Resort and Hotel Inc. na pagmamay-ari ng Solaire Resort and Casino.

Ayon sa pulisya, alas-3:50 ng hapon nang magtungo ang suspek sa Solaire Resort sa Aseana Avenue, Brgy. Tambo si Balisi, sakay ng kanyang pang-deliver na motorsiklo upang dalhin ang hindi nabanggit na produkto sa naturang hotel.

Pagsapit ni Balisi sa Theater Driveway, isinailalim siya sa isinasagawang inspeksiyon ng mga security officer.

Sa hindi batid na dahilan, tinakot o nagbiro umano si Basili sa security officer at sinabing ‘May bomba d’yan’ dahilan upang damputin ito.

Sa pamamagitan ng kinatawan ng naturang hotel na tumatayong complainant, sinampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o ang Anti Bomb Joke Law si Balisi sa Parañaque City Prosecutor’s Office. (Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy