Nag-drive nang tulog, lolo sumalpok

By

Isang matandang la­laki ang patay matapos makatulog habang nagmamaneho ng kanyang kotse at sumalpok sa isang poste ng kuryente sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktimang si Jesus Espino Cobion, 64, ng Plaridel, Bulacan.

Sa ulat ng Malabon City Police partikular na ni SPO2 Joselito Garbo, ganap umanong ala-una ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C4 Road sakop ng Barangay Tanong, ng nasabing lungsod.

Lulan umano noon ng minamaneho niyang owner-type jeep na may plakang CKN 151 ang biktima kasama ang isang lalaking kaanak nang maganap ang insidente. Mabilis umanong nagmamaneho ang biktima nang bigla na lamang umano itong napatungo na tila nakatulog.

Tinangka umanong gisingin ng kanyang ka­sama ang biktima ngunit dire-diretso na umano ang kanilang sasakyan sa nasabing poste. Mabuti na lamang at nagawa pang makatalon palabas ng sasakyan ang sakay na kaanak.

Napag-alamang wala pa umanong tulog ang biktima nang bumiyaheng balikan ng Bulacan at Maynila.

Sa ngayon ay inaalam pa kung nakatulog ba ang biktima o posibleng inatake sa puso habang nagmamaneho.


SHARE