Una sa Balita

Naaagnas na bangkay natagpuan sa Las Piñas

0 422

Dahil sa masangsang na amoy, nadiskubreng naaagnas na ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng kanyang kuwarto sa Las Piñas City kahapon.

Base sa isinumiteng report ni Police Colonel Simran Gran, hepe ng Las Piñas City Police, kinilala ang biktima na si Ariel Ecija y Galeria,41-anyos, empleya­do at residente ng No. 1-E Evangelista St., BFRV, Barangay Talon 2 ng nasabing lungsod.

Dakong ala-una nang hapon nang madiskubre ang labi ng biktima na nakahiga sa kanyang kama sa loob ng silid nito sa naturang lugar.

Unang nakaamoy ng umaalingasaw at masangsang na amoy ang mga kapitbahay nito na nagmumula sa kuwarto ng biktima, dito natuklasang wala nang buhay si Ecija at naaagnas na ang buong katawan nito.

Batay sa pahayag ng mga residenteng sina Aaron Aceveda, 27, negosyante, at Francia Llagas, 50, huling nakitang buhay ang biktima nitong Hulyo 16 ng alas-sais nang umaga at simula noon ay hindi na nila napansing lumabas pa sa nasabing kuwarto.

Ayon sa mga awtoridad, walang nakitang anumang sugat sa katawan ng biktima at walang nawawala sa gamit nito sa loob ng bahay.

Gayunpaman ay nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy kung may kahina-hinala sa pagkamatay ng biktima.

Habang ang labi ng biktima ay pan­samantalang inilagak sa Peoples Fune­ral Homes upang isailalim sa awtopsiya.(Armida Rico)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy