Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Na-TUPAD na pangarap

0 199

Magandang araw mga kababayan kong Bicolano! Noong Nobyembre 2021, naitala ang 6.5 percent unemployment rate sa bansa. Pinakamababa ito mula noong Enero ng nakaraang taon. Senyales ito na kahit paano’y unti-unting bumabangon ang ekonomiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kabila nito, hindi maikakaila na marami pa rin tayong mga kababayang walang trabaho. Dahil dito, pagpasok ng 2022 ay agad nagsagawa ang Ako Bicol Party-list at Department of Labor and Employment (DOLE) ng orientation para sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ginanap ang naturang orientation sa bayan ng Sta. Magdalena, Sorsogon, noong Enero 14, 2022. Ang aktibidad ay bahagi ng programang “Tabang Sa Kabuhayan,” ng Ako Bicol na naglalayong matulungang magkaroon ng pagkakakitaan ang ilan nating kababayan.

Nagpapasalamat po ang inyong lingkod at ang AKB sa tanggapan ni Secretary Silvestre Bello III ng DOLE. Dahil sa TUPAD program, nabibigyan ng emergency employment ang mga nawalan ng trabaho, underemployed at mga seasonal workers. Katumbas ng sampu (10) hanggang maximum na 30 araw ang binibigay na hanapbuhay depende sa uri ng trabaho. Ang sahod ng mga benepisyaryo ay batay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Libu-libo na po ang naging benepisyaryo ng programa sa Bicol Region, lalo na noong pumutok ang COVID-19 pandemic noong 2020 kung saan marami ang nawalan ng trabaho dahil sa mga pinatupad na lockdown ng pamahalaan at mga nagsarang negosyo.

Noong Setyembre 2021 lamang, higit sa 400 displaced workers mula sa siyam na barangay sa Legazpi City ang nabigyan ng emergency employment ng Ako Bicol at DOLE. Ilan sa mga naging trabaho nila ay ang pag-disinfect at pag-sanitize ng mga pampublikong pasilidad, de-clogging ng mga canal, at pagpapaganda ng kanilang barangay.  

Tuwing sinasalanta naman ng bagyo ang rehiyon, nabibigyan din ng emergency employment ng AKB at DOLE ang mga apektadong residente upang magkaroon ng laman ang kanilang bulsa. Ilan sa mga nagiging trabaho nila ay ang pagkumpuni ng mga nasirang kabahayan sa komunidad.

Marami sa ating mga kababayan ang labis na nagpapasalamat na makasama sa programa ng AKB at DOLE. Malaki kasi ang naitutulong ng programa para sa panggastos nila sa bahay, pambili ng gamot at iba pang pangangailangan.    

Kahit sa gitna ng pandemya, laging nag-iisip at gumagawa ng mga hakbang ang Ako Bicol upang makatulong sa mga kababayang Bicolano na lubos na nangangailangan.

Samantala, nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang magpagpasalamat sa mga gamot, bitamina at medical equipment na donasyon ng Compact Pharmaceuticals Corporation para sa mga Bicolano noong Enero 12, 2022.

Malaking tulong po ang mga gamot at bitaminang ito lalo na sa mga Bicolanong dumaraan sa matinding pagsubok dulot ng pandemya at kawalan ng trabaho.

Muli, ipinapaabot ng Ako Bicol Party-list ang aming labis na pasasalamat. Hanggang sa muli, mga kababayan kong Bicolano!

Leave A Reply

Your email address will not be published.