Una sa Balita

‘My Way’

By
0 860

Pinagmumulan ang videoke ng kasiyahan sa pamilya, magkakaibigan o ng buong barangay kapag fiesta o may espesyal na okasyon sa lugar.

Maraming naging mahusay na professiona­l singer noong araw ang nagsimula at nahasa sa Minus One, lalo nang mauso ang videoke na naroon na ang lyrics at madaling sabayan. May mga YouTube sensation at grand champion sa malalaking singing contest ng mga TV network ang videoke lang ang naging puhunan.

Natural na sa atin ang pag-awit. Sa katunayan, tanyag at kinikilala sa buong mundo ang ang­king galing at talentong ito ng mga Filipino.

Basta may mikropono, siguradong bibirit sa pagkanta ang mga Pinoy. Dahil may kanya-kanyang repertoire, kanya-kanya rin ng pindot ng kanilang mga song number sa vi­deoke. Pagalingan sa rendition, pataasan ng score. Ang videoke session na nag-umpisa ng hapon, inaabot ng pamorningan.

Dito na pumapasok ang problema. Kapag nagkasitahan, nauuwi ito sa barangayan ng magkakapitbahay na dating nagbibigayan ng pansit, menudo, at puto. May mga pagkakataon naman na ang sapawan sa pagkanta ng ‘My Way’ ni Frank Sinatra ay pinagsisimulan ng rambulan na humahantong sa patayan.

Ang isang empleyadong may opisina nang maaga, hindi makatulog. Biglang magigising sa madaling-araw ang isang sanggol at mag-iiiyak. Ang isang may sakit, mananakawan ng kanyang kinakailangang pahinga. Ang batang papasok sa eskuwela kinabukasan, nakiki-videoke rin.

Bukod sa usapin ng public order, mas health issue ito. Kapag sobra na sa 90 decibels ang tunog tulad na malakas na vo­lume ng videoke, noise pollutant o nakabubulahaw na at nagdudulot ito ng discomfort o pag­kabalisa na nakaaapekto sa kalusugan ng tao.

Ito ang sosolusyunan ng pag-arangkada sa Kamara ng HB 1035 na nag­lalayong limitahan ang paggamit ng vi­deoke o karaoke system, at iba pang sound amplifying equipment.

Tandaan natin na sa panukalang batas na ito ay hindi naman ititigil ang videoke. Hindi rin ipagbabawal ang pagkanta na likas na hilig nating mga Pinoy na nagbubunga ng kasiyahan. Hinaan lang at sundin ang oras.

Kapag naging batas, itatadhana nito ang pagbibigay-respeto sa ating kapitbahay, lalo sa kanilang kalusugan. Kumbaga, isang paraan ito ng pagle-legislate ng sapat na tulog at pahinga.

‘Di ba maganda?