Una sa Balita

‘My hero’

0 362

Narinig ko sa radyo na umabot na ang ‘tokhang’ na pinagsamang toktok (katok) at hangyo (pakiusap) sa mga tinutuluyan ng OFW bilang paraan ng Embahada ng Pilipinas para makumbinse ang mga Pinoy na umuwi na muna sa Pilipinas sa gitna ng umuusbong na girian ng Iran at US.

Ang style na rin ito ang ginamit sa Kuwait noong 2018 para mapali­kas ang OFWs sa gitna ng pagsuspinde ng deployment dahil sa pang-aabuso sa kanila ng kanilang employer.

Tulad ni Joanna Demafelis na natagpuan ang bangkay sa loob ng freezer sa isang abandonadong warehouse.

Kung totoo man, ang tokhang style na ito ay maaari na ring hudyat sa katok at pakiusap sa pamahalaan na pag-isipan ang polisiya ng pagpapadala ng OFWs sa iba’t ibang bansa.

Mabilis naman ang aksyon at reaksyon ng gobyerno sa evacuation ng OFWs sa ilang bansa sa Middle East lalo na sa Iraq na mayroong 1,600 na Pinoy.
Kapansin-pansin din na mayroong mastery ang ilang opisyal ng pamahalaan kung tensyon sa Middle East ang pag-uusapan.

Ang usaping Philippine diaspora, labor export at brain drain ay pinag-uusapan na noon pa man.

Bilang anak ng isang OFW sa loob halos ng tatlong dekada, batid ko na pinipiling lisanin ng mga Pinoy ang bansa sapagkat nais nila ng magandang buhay.

Nasa ibang bansa ang mas malaking kita at ma­lawak na oportunidad.
Marami naman talaga ang bumuti ang buhay sampu ng kanilang kamag-anak nang sila ay maging OFW.

Bagama’t ilan rin sa OFWs ay hindi mapa­lad lalo na ang mga kababaihan tulad na lang ni Flor Contemplacion (Singapore, 1995) na nabitay at Jeanelyn Villavende (Kuwait, 2019) na pinatay ng kanyang amo.

Magkaiba ang kuwento nila bagama’t malinaw na biktima sila ng pagkakataon.

Sa paglalagom, ang kontribusyon ng remittances ng halos 15 mil­yong overseas Filipinos sa ekonomiya o gross domestic product (GDP) ay napakalaki.

Bagama’t ang sukli rin nito ay masasabing malaki rin lalo kapag buhay, kaligtasan, seguridad at pamilya o pangarap na nasira ang isyu.

Walang katumbas na halaga ito katulad ng remittances o GDP.

Tinatawag ang OFWs bilang bagong bayani ngunit wala naman tayong nakita na monumento o bantayog nila saan mang panig ng bansa.

Ang kasalukuyang seaman’s hospital na nasa Intramuros ay hindi rin matatawag na world class.

Wala rin namang after retirement program ang pamahalaan sa OFWs.

Putol agad ang kanilang OWWA coverage kapag nagretiro o hindi na bumalik at muling magtrabaho sa ibang bansa.

Nakabinbin pa rin ang panukala na magkaroon ng Department of OFWs.

Kaya masasabing sari­ling sikap talaga ang OFWs habang nasa ibang bansa at kung sakaling piliin nilang umuwi sa Pilipinas.

Kaya tayo na ang ma­nguna sa pagpapahalaga sa kanila bilang ating personal heroes.

Mataas na sahod, bagong pagkakataon sa buhay at kapalaran, at maitaguyod ang pamilya ay ang mga dahilan ng pagdami ng mga OFW.

Ano ang magagawa natin para suportahan ang kanilang kapamilyang OFW bilang paraan ng pagkilala sa kanilang pagsisikap.

1) Panatiliin ang komunikasyon.

2) Gamitin nang wasto ang kita ng OFW.

3) Mag-aral nang mabuti.

4) Huwag pasaway at lalabag sa anumang batas.

5) Makuntento sa anumang ipi­napadala.

6) Maging mapag-intindi at makinig.

7) Mag-offer ng tulong.

8) Maghanap ng trabaho o magtayo ng maliit na negosyo.

9) Ipagdasal ang kapamilyang OFW.

10) Sabay na tuparin ang lifegoals para sa pamilya.

Magsilbi sana ito bilang isang pagpupugay sa kabayanihan ng lahat ng mga OFW na patuloy na nagsisikap sa malayong lugar upang magkaroon ng magandang buhay ang kanilang pamilya lalo na ang kanilang mga anak.

Kung mayroong katanungan ukol sa Life Coa­ching o mayroong kuwento kayo na nais ibahagi, maaaring mag-email sa coachalextr@gmail.com o magtext sa 0917-533-2322.

*Si Alex ‘Lex’ Rosete ay isang Certified Life Coach mula sa Life Coach Philippines. Isa rin siyang guro, trainer at consul­tant sa communication, human resources ma­nagement at public admi­nistration.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More