Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-9 na labas

“Anak, bakit hindi mo pagbigyan si Andrew? Parang tulong mo na lang ito sa kanya, pangbalanse sa mga problema niya, at saka baka makatulong din sa’yo kahit papa’no kung maglilibang ka sa labas.”

“Nay, baka mamaya kung ano pang isipin ng mga makakakita sa’min, baka isipin nila na nagkabalikan na kami!”

“Ssshhh, hinaan mo ang boses mo baka marinig ka niya… importante ba talaga ang sasabihin ng iba?”

heartHay si nanay talaga ang galing magpakonsensya.

“Sige na nga po.” Napipilitan kong tugon.

Dahil Sunday ang araw na ‘yon kaya nagsimba muna kami ni Andrew.

“Julia, naalala mo ba nu’ng high school pa tayo, nagsisimba tayo para makapagpapirma ng mass card kay father Raymund?”

“Oo, naalala ko…”

“E ‘yung nagsimba tayo tapos biglang sumakit ang tiyan mo, naalala mo?”

“Oo, naalala ko rin…”

“Akala ko nagbibiro ka lang no’n eh, buti na lang may dala akong pamahid no’n kaya medyo bumuti ang pakiramdam mo… kaso lang hindi maganda ang amoy ng pamahid na ‘yon kaya maraming napalingon sa atin… at saka naalala mo rin ba na ang ingay natin sa simbahan kaya galit na galit sa atin ‘yung matandang babae na nasa unahan natin?” natatawa pang pag-alala ni Andrew.

“Oo naaalala ko lahat ‘yon, sana maalala mo rin na nasa loob tayo ng simbahan ngayon at hindi na tayo high school para mag-ingay pa tulad ng dati, ssshhh!” saway ko na sa nakakairitang pagre-reminisce ni Andrew.

Agad naman siyang nanahimik at nakinig na lang sa homily.

Matapos ang misa ay nagtungo kami sa plaza. Naupo kami sa isang lumang bench kung saan tanaw namin ang dagat.

Sa pagtanaw ko sa dagat ay biglang nangilid ang luha ko.

“J-Julia, may problema ka ba?”

Tumingin ako kay Andrew… sa mga mata niya… tinatantya ko kung puwede ko ba siyang pagkatiwalaan.

Hindi ko namalayan ang pagpatak ng luha ko na agad pinahid ni Andrew ng dala niyang panyo.

“Mabuti na lang lagi akong may panyo, ano ba o sino ba ang dahilan ng mga luhang ‘yan Julia?”

Humugot muna ako ng malalim na buntong hininga bago ako tumugon.

“Drew, puwede bang doon na lang tayo sa ilalim ng puno, hindi ko kasi matagalang tingnan ang dagat e…”

Sa lilim ng malaking puno ng mangga sini­mulan kong ikuwento kay Andrew ang tungkol kay Melody.

“Mula nang dumating ako sa Maynila, siya na ang naging bestfriend ko… isang araw, nagka­yayaan ang mga barkada namin na mag-outing… ang sabi niya hindi raw siya makakasama kasi masama ang pakiramdam niya… pero dahil gusto kong makasama siya sa kasayahang iyon, pinilit ko siya, ipinagbaon ko pa nga siya ng gamot sa sakit ng ulo para kung sakaling kailanganin niya…” (Itutuloy)