Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-8 na labas

Napatingin ako kay Andrew na tatakpan sana ang mga mata ko ng kamay niya pero sa bilis ng pangyayari ay hindi na niya nagawa.
“Andrew, talaga bang tanggap mo ang ganitong situwasyon?”

“Nag-aalala ka ba sa’kin?”

“Hindi lang ako makapaniwala, kasi kung si tatay ang papa mo, baka pinagalitan ko na siya, sinumbatan o kinasuklaman!” hindi ko napigilan ang sarili ko na sabihin iyon dahil parang ako ang nakaramdam ng galit sa nakita ko. Nakaramdam ako ng awa para sa mama ni Andrew.

“A-alam naman ni papa na mali ang ginagawa niya eh… kung pakikialaman ko siya baka mas lalo lang lumala ang problema…”

“Hindi Andrew eh, baka dapat makialam ka para sa ikabubuti ninyo… dahil ang hindi pagkibo ay tanda ng pagsang-ayon, pag-isipan mo ang sinabi ko…” pagkasabi niyon ay tinalikuran ko na si Andrew.

Hindi ako sigurado kung may tama sa sinabi ko. Alam kong wala ako sa posisyon para sabihin kay Andrew kung ano ang dapat niyang gawin, nadala lang ako sa emos­yon ko. Wala naman kasi akong alam sa puno’t dulo ng problema nila, pero sana tama si Andrew, sana tama siya sa mga pinaniniwalaan niya.

Gabi. Umiyak na naman ako. Kahit ano ang gawin ko hindi yata ako makaka-recover sa sari­li kong problema. Pero kapag naiisip ko ang problema ni Andrew, natitigilan ako… paano niya kinakaya lahat ng ‘yon?

Nasa ganoon akong pagmumuni-muni habang yakap ang unan ko nang tumunog ang cellphone ko.

“Hi Julia, sorry kung pinilit ko si Bob na ibigay sa’kin ang bago mong number… gusto ko lang na maging textmate tayo…”

Grabe, ang korni niya, textmate? sa chat nga palagi ko siyang dinededma, gusto pa niyang maging textmate kami?

“Bakit naman kaila­ngan pa nating maging textmate?”

“Gusto ko lang na palagi kang makamusta…”

Hindi na’ko nag-reply. Kahit na mara­ming text pa ang kasunod no’n mula kay Andrew. Hanggang sa mabasa ko ang huling text niya bago ako makatulog.

“Siguro naubusan ka ng lod kaya ‘di ka na naka-reply… cge, gudnyt na Julia, sweet dreams…”

Sweet dreams Drew… bulong ko na lang iyon sa sarili ko dahil hindi ko na nakayanan ang antok. Napapikit na’ko at tulu­yang nakatulog.

Kinabukasan ay bisi­ta ko na naman si Andrew. Inaaya niya akong maglibot sa mga lugar na dati naming pinupuntahan. Ayokong sumama pero pasimple akong hinila ni nanay sa kusina at kinausap. (Itutuloy)