Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-7 na labas

Pinatuloy na’ko ni Manang Lupe sa laundry room. Nagulat si Andrew at napahinto siya sa paglalagay ng labahan sa washing machine.

“Julia! A-anong ginagawa mo rito?”

“Wala lang, naisipan ko lang na bisitahin ka.”

“G-gano’n ba, sandali, tatapusin ko lang ‘to tapos do’n tayo sa terrace ha.” Tumango ako.

“Drew, kumusta ang mama mo, asan siya?” nagkunwari akong walang alam.

Saglit na natigilan si Andrew. Pero masaya siyang lumingon sa akin at sinagot ang tanong ko.

“Okay lang si mama, nagpa­pahinga siya sa kuwarto niya.”

“E ang papa mo?”

Unti-unting napawi ang ngiti sa labi ni Andrew, pero agad din itong bumalik.

“Mas lalong okay lang si papa.”

Inaya ako ni Andrew sa terrace. Nagpatimpla siya ng juice kay Manang Lupe.

“Alam mo, sobrang saya ko talaga sa pagpunta mo dito, sana kuwentuhan mo naman ako ng mga nangyari sa’yo sa Maynila.”

HeartfeltSa pagbanggit no’n ni Andrew ay naalala ko na naman si Melody, ang best friend kong si Melody…at naramdaman ko na naman ang lungkot.

“Drew, kaya ako nandito para kumustahin ka, gusto kong magkuwento ka sa’kin ng mga nangyari sa buhay mo…”

“Sa loob ng dalawang taon na wala ka? Ang totoo, walang nangyari…kasi parang tumigil ang ikot ng mundo ko nang iwan mo’ko…parang orasan na nawalan ng baterya…”

Hindi ko alam kung biro o seryoso si Andrew sa sinabi niya. Hindi naman kasi siya nakatawa.

“‘Wag na nating balikan ang nakaraan, ‘yung ngayon na lang ang pag-usapan natin.” Paano ko nga ba sasabihin sa kanya na nandito ako bilang kaibigan, para damayan ka sa mga problema mo? Pero hindi manhid si Andrew.

“Julia, kung tungkol sa problema ng pamilya ko ang gusto mong i-open up ko sa’yo, don’t worry, kasi kaya ko naman e, kaya kong mag-isa.”

“Okay, hindi na’ko magpapaliguy-ligoy pa Drew, nabalitaan ko kasi ang kinakaharap ngayon ng pamilya mo, gusto ko lang sanang maging kaibigan mo sa mga panahong tulad nito.”

Napakamot sa ulo si Andrew kasabay ng isang ngiti.

“Teka, ang drama naman yata, ano kasi, ‘yung tungkol sa pambababae ni papa at sa sakit ni mama, si Lord ang may gusto no’n, kaya ang dapat ko lang naman gawin ‘yung parte ko eh, bilang anak, kailangan ko lang tanggapin ‘yung sitwasyon at pareho silang tulungan sa abot ng makakaya ko, saka magiging okay din ang lahat, naniniwala ako…”

Hindi ako nakaimik sa sinabi ni Andrew. Kung sa akin kasi mangyayari iyon baka ni hindi ko na makuhang ngumiti man lang. Ganito rin kaya niya tinanggap ang pang-iiwan ko sa kanya dati kaya sa pagbabalik ko ay hindi ko na nabakas sa kanya ang lungkot at sa halip ay parang hindi nangyari ang nangyari sa nakaraan?

Kabaligtaran ni Andrew, ako yata ang dapat niyang damayan, kasi ako ‘yung may problema na hindi kayang dalhin.

Saglit lang ako nakipagkuwentuhan kay Andrew. Nagpaalam na rin ako sa kanya. Palabas na kami sa pintuan ng bahay nila nang masilip namin ang pagdating ng kotse ng papa niya. Mula sa kotse ay bumaba ang isang babae at hinalikan pa ang papa niya bago ito tuluyang lumakad palayo at pumasok sa isang bahay na isang bahay lang ang pagitan sa kanila. (Itutuloy)