Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-6 na labas

“Alam n’yo mamaya na kayo mag-usap, baka kasi lumamig itong sopas e hindi na masarap, almusal na muna tayo!”

Iniisip ko kung kaya kayang ipinta ng isang pangkaraniwang pintor ang hindi maipaliwanag na kasiyahang naaninag ko sa mukha ni Andrew ng mga sandaling iyon habang kasabay namin siyang nag-aalmusal?

Matapos ang almusal ay minabuti ko munang pumasok sa kuwarto ko. Wala ako sa mood na makipagkuwentuhan kay Andrew. Gusto kong mapag-isa.

Maya-maya pa ay kumatok si nanay. Binuksan ko ang pinto at pinapasok siya.

“Umalis na si Andrew, pero babalik daw siya sa ibang araw…”

“‘Yung ibang araw na sinasabi niya, bukas lang ‘yon nay.”

“Korek. Kasi kung nu’ng ngang wala ka rito madalas siyang bumisita, ngayon pa kayang nandito ka.”

“Pag bumalik siya pakisabi na lang po na ayokong magpaistorbo…”

“Nak, kung plano mong magmukmok dito sa kuwarto sa buong pagbabakasyon mo, nasisiguro ko sa’yong hindi ka makakapag-move on.”
Alam ko naman na tama si nanay. Pero gusto ko pa talagang mag-isa.

Isang araw inutusan ako ni nanay na mamalengke dahil medyo masama raw ang pakiramdam niya. Isang dating kaibigan ang nakasalubong ko roon. Si Apple.

“Uy Julia kailan ka pa dumating?” nakangiting bati sa’kin ni Apple na classmate rin namin nu’ng high school.

“Nu’ng isang araw lang, kumusta ka?”

“Sobrang buti at byuti ko, ikaw kumusta ang pag-aaral mo sa Maynila, ano nga ulit ang course mo do’n?”

Related Posts

“Masscom.”

“Naku mabuti naman at naisipan mong magbakasyon dito, teka, nabalitaan mo ba ‘yung nangyayari ngayon sa mga magulang ni Andrew?”
“Ha? hindi, bakit ano bang nangyayari sa kanila?”

Hininaan ni Apple ang boses niya nang sagutin niya ang tanong ko.

“‘Yung papa kasi ni Andrew may bagong kinakasama, at kapitbahay pa nila habang ‘yung pobreng mama niya ayun naghihirap sa breast cancer… pero ang lolo Andrew mo sige lang sa pag-aaral, nasa second year na siya sa engineering. Harinawa makatapos siya sa kabila ng mga pinagdadaanan ng pamilya niya.”

Nabigla ako. Sobrang pagkabigla. Sa dalawang beses na pagkikita namin ni Andrew mula nang dumating ako ay hindi ko man lang naramdaman sa kanya na may mabigat na problema pala siyang pinagdaraanan. Hindi ko man lang naaninag sa mga mata niya o nahalata sa mga ngiti niya ang lungkot na dinadala niya.

Sinabi ko kay nanay ang nalaman ko at maging siya ay nabigla rin.

“Kapag kinakumusta ko ang mga magulang niya palagi lang niya sinasabi na okay lang sila, busy sa pagpapatakbo ng sariling piggery at bukid nila… ‘yun pala… tsk, tsk, kawawa naman pala si Andrew, solong anak pa naman, walang kapatid na makakaramay niya sa problema, e mukhang wala rin naman siyang matatawag na bestfriend para mahi­ngahan man lang niya ng saloobin.”

Totoo naman ang mga sinabi ni nanay. Kilala ko si Andrew. Mula ulo hanggang paa. At alam ko rin na mabibilang lang sa daliri ang mga naging kaibigan niya noon at malamang hanggang ngayon.

“O Julia, saan ka pupunta?” tanong ni nanay nang magbihis ako.

“Baka po kailangan ni Drew ng kausap ‘nay…”

Ngumiti si nanay at tumango, tanda ng pagsang-ayon niya sa akin.

May kaya sa buhay sina Andrew. Bato ang dalawang palapag nilang bahay na napapalibutan ng mga bulaklak. Mahilig kasi sa mga bulaklak ang mama niya.

Nag-doorbell ako. Ang matagal na at nag-iisa nilang kasambahay na si Manang Lupe, 50, ang nagbukas ng gate para sa’kin.
“O Julia, napadalaw ka!” tuwang bati ni Manang Lupe sa’kin.

“Opo, nagbabakasyon po kasi ako ngayon dito sa’tin, si Andrew po?”

“Nasa laundry room, ayaw paawat eh, nilalabhan niya ang mga damit nila ng mama niya.”

Hindi na ako nagulat do’n, kasi dati pa naman na gustong-gusto ni Andrew ang pagsilbihan ang mama niya. Nagtatanggal at nag-aabot ng tsinelas nito tuwing darating mula sa trabaho, nagluluto ng ulam para sa mama niya, nagmamasahe at kung anu-ano pang maka­kagaan sa pakiramdam nito. (Itutuloy)