Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 949

Ika-51 na labas

Muling pinadama sa amin ng halik na iyon ang pag-ibig, pinaalala na hindi maaaring maghari ang kalungkutan sa mga pusong umaasa sa pagma­mahal.

Inuwi ako ni Andrew sa amin. Alam ni Andrew na labis na mag-aalala sina nanay kaya hindi na lang namin sinabi sa kanila ang nangyari.
“O bakit basang-basa kayo?” tanong ni nanay na bumungad sa amin sa pintuan.

“Ito po kasing anak niyo, binasa ako kaya gumanti ako binasa ko rin siya hanggang sa pareho po kaming mahulog sa tubig.”

“Gano’n ba, e siya magpalit na kayo at baka magkasakit kayo, ang aga-aga pa at ang lamig pa ng panahon!”

“Opo.” Sagot ko.

“Naku Andrew mabuti na lang at dumating ka, para naman mabawasan ang kalungkutan nitong si Julia. Ikaw na ang magpayo sa kanya kasi mula nang mamatay si Jab, nakalimutan na yata niyang si ang pinakamagaling magpayo sa balat ng radyo.”

“‘Wag po kayong mag-alala Nanay Biday, hindi na po ako aalis sa tabi ni Julia.”

“Aasahan ko ‘yan ha, o sige na magpalit na kayo ro’n, basang-basa kayo!”

Nagkatinginan kami ni Andrew at nagkangitian bago namin sinunod si nanay.

Matapos kumain ng tanghalian ay muli kaming bumalik sa plaza at naupo sa batuhan.

“Ang sabi mo hindi pa masyadong okay ang mga paa mo, bakit umuwi ka na?” tanong ko.

Related Posts

“Hindi kasi ako mapakali eh, masyado akong nag-alala nang malaman ko ang nangyari, hindi nga ako nakauwi agad e kasi pinigilan ako ng therapist ko dahil tulad mo, gusto rin niyang makita na makalakad ulit ako. Satisfaction ‘yun sa trabaho niya bilang therapist. Pero nang maramdaman ko na kaya ko nang ihakbang ang mga paa ko, nagpumilit na’ko, ang sabi ko dito ko na lang ipagpapatuloy ang pagpapagamot sa mga paa ko.”

“Sakto lang ang dating mo, salamt hon…kung hindi ka dumating baka hindi mo na’ko dinatnan…”

“Ewan ko ba sa’yo, nakakapaghinanakit nga eh, kasi nagawa mong magpakamatay kahit alam mong babalik ako at magiging masaya pa tayo.”

Isinandal ko ang ulo ko sa balikat niya.

“Sorry na nga ‘di ba, hindi ko naman alam na magiging gano’n ako kahina…masyado kong dinamdam ang mga nangyari, nagagalit ako pero naaawa rin ako kay Jab…hindi ko maintindihan…”

“Okay, para maintindihan mo, ito na lang, bibigyan kita ng quotes na magpapaalala sa’yo na isa kang mabuting tao…believing yourself is an endless destination, believing you have failed is the end of your journey!”

“Okay sige, ako naman ha, respect yourself enough to walk away from anything that no longer serves you, grows you or makes you happy…”
Hinalikan ni Andrew ang ulo ko na nakasandal sa balikat niya.

“Tara, samahan mo akong bumili ng bagong salamin sa mata, ayoko kasi na malabo ang tingin ko sa’yo eh!”
“Let’s go!”
Paglipas ng mga araw, feeling ko ay naka-recover na ako kaya bumalik na ako ng Manila. Pero nagpaiwan pa si Andrew kina Ka Berto.

Gusto muna kasi niyang mag-spend ng time kasama ang matandang tiyuhin dahil na-miss niya ito nang husto. Pagbalik kasi niya sa Manila ay plano niyang bumalik sa pag-aaral, hindi lang home school. Natutuwa naman ako at masaya ako sa plano niya.

Isang welcome party ang ibinigay sa akin ng mga kasamahan ko sa radyo sa pagbabalik ko sa istasyon.

“Welcome back!” sabay-sabay nilang bati pagpasok ko sa office ni Mr. Lee para mag-report.

“Wow, nakaka-surprise! Thank you guys!” nakangiti kong sabi.

Si Edna ang unang lumapit sa’kin.

“Na-miss ka namin Julia, saka masaya kami na nalampasan mo na ulit ang isa pang pagsubok sa buhay mo!” (Itutuloy)