Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-50 na labas

Lumabas ako. Medyo madilim pa ang buong kapaligiran. Tila nag-aanyaya na samahan ko sila sa kalungkutan. Tinungo ko ang dagat. Dinama ko ang lamig ng hangin. Pero hindi ako nakuntento. Nagsimulang humakbang ang mga paa ko para lumusong. Tulad ng hangin, malamig rin ang tubig. Humakbang pa ako nang humakbang. Hanggang sa beywang ko na ang tubig. Pero parang wala akong nararamdamang takot sa mga sandaling iyon. Dahil nalulunod ako sa kalungkutan. Tila gusto ko na ring lunurin ang sarili ko para matapos na ang lahat…para kasama ko na ring lumubog ang kalungkutang bumabalot sa akin ngayon.

Pumikit ako at hinayaan ko lang na lamunin ako ng dagat tulad ng paglamon nito sa bestfriend kong si Melody. Hahayaan ko na lang din na kunin nito ang buhay ko tulad nang pagkuha ng langit sa buhay ni Jab.

Unti-unti na akong lumulubog. Nagpaalam na ako sa mga ulap at inihanda ko na ang sarili ko. Habang papalubog ako sa ilalim ay naramdaman ko na ang kakapusan ng paghinga.

Isinuko ko na ang sarili ko nang bigla kong maramdaman ang pagkawit ng isang kamay sa beywang ko at hinila ako nito paitaas. Pinigilan ko siya na maiahon ako sa tubig.

“Let me go! Let me go! Gusto ko nang mamatay!” pagpupumiglas ko nang lumutang na kami pareho.

Pero sa halip na bitawan ako ay niyakap pa’ko ng bisig na ‘yon.

“No, I can’t let you go!”

Para akong biglang naulian sa kahibangan ko nang makita ko si Andrew. Binuhat niya ako papunta sa dalampasigan. Nang mailapag ako ay hingal na hingal na ibinagsak niya sa buhanginan ang sariling katawan. Suot ang basang-basang t-shirt at pants.

“ANDREW!” sa sobrang pagkabigla ko ay wala akong maisip sabihin.

Tumingin siya sa akin habang nakatingin naman ako sa mga paa niya.

“Ano bang ginagawa mo Julia, magpapakamatay ka ba talaga?” tanong niya na ang tingin ay lumipat sa kalangitan.

Inilapat ko rin ang katawan ko sa buhanginan.

“A-ang mga paa mo, n-nakakalakad ka na ba?”

“Oo, hindi pa masyado, pero nagawa kong agawin ka sa dagat, sagutin mo ang tanong ko Julia, magpapakamatay ka ba?” kunot-noo subalit puno ng pag-aalala ang tinig niya.

Hindi ako makasagot. Paano ko ba sasabihin sa kanyang oo ginawa ko…

“Hon, ikaw ang nagbigay sa’kin ng lakas ng loob, ikaw ang nagbalik ng tiwala ko sa sarili, ikaw ang nagtulak sa akin kung saan ako mapapabuti, pero bakit sa sarili mo hindi ka naging patas?”

“I’m sorry Andrew, hindi ko na kasi makayanan ang bigat sa dibdib ko, nu’ng una si Melody, ngayon naman si Jab…”

Kinusot ni Andrew ang mga mata niya kaya napansin kong wala siyang salamin.

“Ang salamin mo?”

“Ayun, kinain na ng dagat, iintindihin ko pa ba ‘yon kung nakita kong lumubog ka na?”

“S-sorry…”

“Mapapalitan ko ‘yon kahit ilan pa, pero ikaw hindi, hindi ko mapapalitan ang buhay mo kung hinayaan kita.”

Naupo ako at naupo rin si Andrew.

“Hon, ngayon alam ko na, na hindi madaling tanggapin ang lahat ng mga hindi magandang pangyayari sa buhay natin, pero hindi naman solusyon ang pagpapakamatay ‘di ba? Gagawin mo rin ba ang ginawa ni Jab? Kung buhay si Melody siguradong hindi rin niya magugustuhan ang ginawa mo!”

Tuluy-tuloy lang ang pagsesermon sa akin ni Andrew. Galit siya pero alam ko dahil lang iyon sa sobrang pag-aalala at pagmamahal sa akin. Para lang matahimik na siya, bigla ko siyang hinagkan. Inilapat ko ang labi ko sa labi niya. Nagulat siya pero hindi siya tumanggi. Sa halip ay kinabig pa niya ako palapit sa kanya. (Itutuloy)