Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-5 na labas

“Anong klaseng tulong naman po ang nagawa niya sa inyo?”

“Tulad nu’ng magkasakit si Lia, nagkataon na wala kaming kapera-pera ng tatay mo, siya ang sumagot sa pagpapagamot at maging sa mga gamot na kinailangan ng kapatid mo, tapos nu’ng bumagyo at nagiba ‘yung kalahati ng bahay natin, tinulungan niya ang tatay mo na magkumpuni na walang hininging bayad, at marami pang maliliit na bagay na kung pagsasama-samahin mo e malaki na rin.”

Natigilan ako. Ngayon lang kasi iyon nabanggit ni nanay.

“Pero siyempre anak, nasa sa’yo pa rin naman ang desisyon kung mamahalin mo ulit siya ulit tulad ng dati,” hirit pa ni nanay.

“Ayoko na muna pong isipin ang lovelife ko nay, baka magulo lang pati pag-aaral ko.”

“Sang-ayon naman ako diyan, ang gusto ko lang naman e magkaroon ka ng inspirasyon.”

Isang matamis na ngiti na lang ang itinugon ko kay nanay.

Umaga. Naalimpungatan ako sa ingay na narinig ko mula sa labas ng kuwarto. Pupungas-pungas pa’kong bumangon at sinilip kung ano ba iyon.

Nagulat ako nang makita ko si Andrew sa kusina namin, napapalibutan siya nina nanay at mga kapatid ko. Nagtatawanan sila sa pagbibida ni Andrew.

“At iyon na nga po ang nangyari, hindi napigilan ng prinsesa ang mapahatsing sa harap ng prinsipe, kaya naman ‘yung pinaghirapan niyang iluto na special sopas ay tumalsik sa mukha mismo ng prinsipe!”

Tsk, tsk, hindi pa nagbabago si Andrew, siya pa rin ang korning story teller.
Napalingon sa akin si Bob.

“Ate, gising ka na pala, lika tikman mo ang sopas na niluto ni Kuya Andrew!”

Napalingon silang lahat sa akin. Lumapit naman ako.

“G-good morning Julia!” bati ni Andrew sa’kin.

“Drew, anong ginagawa mo rito?”

Hindi sinagot ni Andrew ang tanong ko, sa halip ay ngumiti siya ng ubod tamis.

“O para sa’n ang ngiting ‘yan?”

“T-tinawag mo ulit kasi akong Drew…”

“E, ano naman ngayon, ‘yon naman talaga ang palayaw mo ‘di ba?”

“Kasi, mula nang maghiwalay tayo, palagi ng Andrew ang tinatawag mo sa’kin, kahit sa FB ‘pag china-chat kita, tapos malalaking letra pa, parang lagi kang galit…kasi ang mama ko tinatawag lang akong Andrew ‘pag galit din siya sa’kin eh…” nakangiting paliwanag niya.

Hindi ko alam kung seseryosohin ko o pagtatawanan ang sinabi niya.

“Ang babaw mo talaga, teka, ano ba ‘yang niluto mo raw?” sinadya kong ibahin ang usapan.

“A, eto, sopas, alam ko kasing paborito mong almusal ang sopas, pinagsasawsawan mo ng pandesal ‘di ba? Kaya eto ipinagluto kita, saka ibinili na rin kita ng pandesal!”

Umugong ang tukso ng mga kapatid ko pero ayoko silang patulan.

“Hindi mo naman kailangang gawin ‘to, saka dalawang kanto ang layo ng bahay mo sa’min sana hindi ka na nag-abala.”

“Malapit lang ‘yon, saka masaya naman ako sa ginawa ko eh.”

Pumagitan sa amin si nanay.