Una sa Balita

My Extra Ordinary EX

By
0 960

Ika-49 na labas

“Jab, hindi ako makahinga!”

Binitawan niya ako. Nagulat ako nang bigla siyang lumuhod sa harapan ko.

Abante Hiring – IT dep

“Ngayon lang ako magmamakaawa sa’yo, Julia, love me again, ako ang piliin mo, I’m better than him!”

“Tumayo ka, Jab, please, ‘wag mong gawin ‘to sa sarili mo, marami pang babae na mas higit sa’kin, you deserve better than me!”

Tumayo si Jab at muling humarap sa’kin.

“Wala na, ilang taon kong sinubukan na magmahal ng iba, pero walang pumalit sa’yo sa puso ko…”

Unti-unting inilapit ni Jab ang mukha niya sa mukha ko pero umiwas ako. Kaya nagalit siya at pinilit niya na mahalikan ako.

“STOP IT JAB!”

Sinampal ko siya. Ikinagalit niya iyon at sinampal din niya ako nang ubod lakas. Pero big­la ulit nagbago ang mukha niya at sinuyo ako.
“I’m sorry! I’m really sorry!”

Itinulak ko siyang palayo sa akin. Nadagdagan ang takot na naramdaman ko nang makita kong may hinuhugot siya sa tagiliran ng pantalong suot niya.

“J-Jab, anong g-gagawin mo?”

Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong baril iyon.

“Wala na…wala nang pag-asa, ‘di ba?”

“No, Jab, there’s always hope, unawain mo lang ako, unawain mo lang ako, please?” umiiyak na’ko.

Umiling-iling siya at bahagya pang lumapit sa akin.

“Jab, ibaba mo ‘yan pakiusap!” sabi ko sa gumagaralgal kong tinig.

Nangangatog na ako sa nerbyos. Lalo na nang itutok ni Jab sa sentido niya ang baril.

“N-No, ‘wag please, ibigay mo sa’kin ‘yan, nakikiusap ako, akin na ‘yan!” mahinahon pero matigas kong sabi.

Nakatitig lang sa’kin si Jab, sa mga mata ko. Parang wala na siyang naririnig. Napapikit ako nang bigla niyang kalabitin ang baril at umali­ngawngaw sa buong kabahayan ang putok niyon. Unti-unti siyang bumagsak mismo sa akin at halos sabay kaming bumagsak sa sahig.

“JAAABBB!”

Napaibabaw siya sa akin kaya umagos sa akin ang dugo mula sa utak niya.

“JULIAAA!” narinig ko pang sigaw ni Tita Bebet.

Narinig ko rin ang pagdating at pagpasok ng mga pulis sa bahay. Pero matapos iyon ay tila na­ging manhid ang isip ko sa lahat.

Ilang araw daw akong tulala sa ospital sabi ni nanay. Inuwi nila ako sa probinsya para makapagpahinga. Bukas na ang kamalayan ko, pero nakatatak pa rin sa isip ko ang nangyari. Paulit-ulit pa ring rumerehistro sa utak ko kung paano niya ako tinitigan bago niya kinalabit ang gatilyo. Kung paano siya bumagsak sa akin. At kung paano umagos ang dugo niya na humalo sa mga luha ko.

“Anak, wala ka namang kasalanan do’n…saka nakausap ko ang mga magulang ni Jab nu’ng hu­ling lamay niya, kaya pala pinabalik nila sa Pilipinas si Jab dahil ayaw nitong magpa-rehab doon at lalo pang lumala sa pagbibisyo…wala na siyang pamilya dito kaya ikaw siguro ang naisip niyang balikan…Siguro nga mahal ka niya, mahal na mahal, pero hindi mo naman kasalanan kung wala ka nang nararamdaman para sa kanya, ‘di ba? Kung winakasan man niya ang buhay niya dahil do’n, malamang may impluwensya pa rin ‘yon ng drugs, kasi sabi ng mommy niya hindi pa rin tumigil ang anak niya sa paggamit nito.”

Narinig kong lahat ang sinasabi ni nanay, pero ang bigat-bigat pa rin dalhin sa dibdib ko na me­ron na namang namatay na tao dahil sa’kin. Nu’ng una si Melody na nalunod dahil sa kapabayaan ko, dahil sa pagiging makasarili ko, ngayon naman si Jab dahil binigo ko siya, dahil pinili ko ang kaligayahan ko…

Niyakap ako ni nanay at ipinadama sa akin ang simpatya ng isang ina.
“Nandito lang kami anak, tulad ng dati, mala­lampasan mo rin ang pinagdadaanan mo ngayon.”

Pero pakiramdam ko hindi sapat ‘yon para maibsan ang nararamdaman ko. Parang ang da­ming boses na bumubulong sa akin at sinasabing wala akong kuwentang tao…

Umaga. Nagising ako. Lumabas ako ng kuwart­o at sinilip ko sina nanay sa kuwart­o nila. Natutulog pa sila pareho. Gano’n din ang mga kapa­tid ko na mahimbing pang natutulog. Masyad­o pa kasing maaga. Marahan akong h­umakbang palapit sa pintuan. (Itutuloy)